Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Double standard sa pandemya

0 256

Parang batang hindi isinali sa laro ang isa nating kurimaw kung maka-emote tungkol sa tatlong magkakahiwalay na insidenteng naibalita. Ang isa ay ang lalaking sinaktan sa clearing operation dahil kinuha ang kaniyang kariton na gamit niya sa hanapbuhay, at ang dalawa naman ay mga sikat na sinasabing nagpa-party sa kani-kanilang birthday at nilabag ang minimum health protocols.

Sa tatlong sitwasyon mga tropapips, nakikita ng kurimaw natin ang dalawang mukha ng kalagayan ng buhay ngayon sa Pilipinas sa harap ng pandemic na dulot ng made in China na virus–ang bansa na ang lakas ng loob na mag-uutos sa kanilang Coast Guard na paputukan daw ang mga dayuhang sasakyang pandagat na papasok sa inagaw nilang mga teritoryo sa West Philippine Sea at South China Sea.

Ang mga hinayupak, pinagbabawalan na naman daw ngayon ang mga mangingisdang Pinoy na makapangisda sa tradisyon nilang pangisdaan sa Pag-asa na bahagi ng Pilipinas na inaagaw nila. Aba’y ano kayang gusto nila: gulo o away?

Buweno, maging si Senador Ping Lacson eh hindi napigilang mahabag sa pobreng lalaki na sinaktan, binitbit at pinosasan pa raw ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Paranaque na nagsasagawa ng clearing operation, dahil pumalag umano ito nang kunin ang kaniyang kariton na gamit sa hanapbuhay.

Sa hirap na kumita ngayong pandamic, talagang papalag ang isang tao kung aalisin mo ang tanging gamit niya sa kabuhayan lalo na ang mga taong dalawang kahig-isang tuka. Mukha nga raw yatang nawawala na ang “compassion” o habag sa mga maliliit.

Pero pagdating sa mga sikat, aba’y may mukhang malawak ang pang-unawa ng iba kahit pa sabihin na sila’y may pagkapasaway. Baka naman kasi nag-manyanita lang sila?

SM food to go Banner Ad

Ang isang dating artista na “influencer” na raw ngayon, nagpa-party sa isang club sa Taguig. Katwiran ng mga dumalo na walang mga face mask at face shield, nagpa-COVID test naman daw sila at negatibo ang resulta.Aba’y kapag negatibo ba sa COVID test eh puwede nang maglalakad at magpunta kung saan-saan kahit walang face mask at face shield?

Ganito rin ang hirit ng isa pang “influencer” na nag-celebrate [ayaw niyang patawag na “party”] ang ginawa nila ng kaniyang tropa sa Baguio City. Nakitang nagsasayawan sila at wala ring suot na face mask. Hindi naman daw talaga party iyon at nahatak lang daw ng mga cultural dancer ang mga bisita na “kakain” daw nang sangdaling iyon kaya wala raw mask ang mga tao.

Ngayon, damay sa banas ng mga taga-Baguio ang kanilang mayor na si Benjamin Magalong. Sa Facebook page nga ng alkalde, puro pang-aasar ang inabot niya sa mga komento dahil kasama pala siya at kaniyang misis sa dumalo sa party, este celebration.

Ang siste, naglabas pa man din ng mas mahigpit na kautusan ngayon ang lungsod sa pagsunod sa health protocols dahil mayroong UK variant ng COVID sa Cordillera Region, bukod pa sa tumataas ang COVID cases sa Baguio City.

Papaano kaya kung negative man sa COVID test ang mga umakyat sa Baguio pero pag-uwi nila sa Metro Manila, eh magpasalubong sila ng virus–at baka made in UK pa?

Tanong ng kurimaw natin, hindi kaya dapat magpatupad ng bagong protocols na ipa-quarantine at ipa-swab test uli ang mga taong magbabakasyon ng ilang araw sa ibang lugar o lalawigan [lalo na kung may UK variant] sa sandaling bumalik sila sa kanilang inuuwian?

Kung nagpapatupad ang Pilipinas ng “travel restrictions” sa mga bansang may UK variant, papaano naman doon sa mga lalawigan na sa Pilipinas na may UK variant? At kung nagulpi ang pobreng lalaki dahil ayaw niyang mawala sa kaniya ang kariton, ano naman daw kaya ang gagawin sa mga sikat na lumalabag sa health protocols? Puwede kayang i-unfollow lang? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.