Una sa Balita

Double Dragon POGO nandaya sa tax

0 364

KINANDADO kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Department of Finance (DOF) ang isa pang Philippine Offshore Ga­ming Operator dahil sa paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997.

Sinara ng Task Force POGO ng BIR at DOF ang head office ng Altech Innovations Business Outsourcing sa Aseana City, Parañaque pati na ang branch nito sa Double Dragon tower sa Pasay City. Ang kompanya ay pag-aari ng isang Jan Erick Lavariaz Altavaz.

Ayon sa BIR, hindi rehistrado ang Altech Innovations Business Outsourcing para sa value added tax (VAT) na labag sa Tax Code. Ang mga negosyong may benta na higit sa P3 mil­yon sa isang taon ay dapat nagrerehistro para sa VAT.

Nilagdaan ni BIR Deputy Commissioner for Operations Group Arnel Guballa ang closure order na pinatupad sa pakikipagtulungan sa Department of Finance.
“Dapat pantay-pantay ang Pilipino o fo­reigner, they should be paying their taxes here in the Philippines kasi we need these revenues for nation building,” paliwanag ni Guballa.

Sinabi naman ni Finance Assistant Sec. Tony Lambino na hindi makatarungan sa mga Pinoy na nagbabayad sila ng tamang buwis samantalang ang mga dayuhan na mas may malaking sahod ay hindi kinakaltasan ng withholding tax.

Aniya, may mga foreign national ang hindi sumusunod sa batas sa pagtatayo ng negosyo sa bansa.

Noong Setyembre 5, pinasara ng BIR ang ikalawa sa pinakamalaking POGO sa bansa, ang Great Empire Gaming and Amusement Corporation na may tanggapan sa Libis, Quezon City; Aseana City sa Parañaque City at sa Clark, Pampanga.

Makalipas ang tatlong araw, muling nagbukas ang Great Empire matapos mangakong babayaran ang higit sa P1 bilyon pagkakautang sa buwis. (Armida Rico/Yves Briones/Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy