Una sa Balita

DOTr preparado sa mga pasahero ngayong Semana Santa

By
0 1,346

KASADO na ang Department of Transportation (DOTr) para sa nalalapit na Semana Santa na kung saan ay inaasa­hang daragsa ang libo-libong mga mananakay sa mga terminal ng bus, airport at pier.

Una nang inabisuhan ng DOTr ang Manila International Airport Authority (MIAA) upang maserbisyuhan ang libo-libong pasaherong inaasahang daragsa sa pagpasok at paglabas ng Maynila para sa paggunita sa Seman­a Santa.

Nais ni Transportation Secretary Arthur Tugade na maging hassle-free ang mga pasahero sa kanilang pagbiyahe at ma-enjoy naman ang bakasyon na walang sagabal na magmumula sa mga airport.

Kasabay nito ang pag-aayos sa mga paliparan sa ilang probinsya tulad sa Tuguegarao airport at Zambales airport na kung saan ay binalaan ang mga opisyal doon na sisibakin kapag hindi inayos ang serbisyo.

Nakipag-ugnayan na rin ang MIAA sa mga airline, Bureau of Customs, Police-Aviation Security Group at iba pang private security agency upang masigurong handa ang mga personnel nito na serbisyuhan ang mga pasahero.

Inatasan na rin ang mga airline company na maging mabilis na pagproseso sa mga check-in counter habang ang Airport Police at PNP-Aviation naman ay inatasang tiyakin ang seguridad sa paliparan at mag-deploy ng karagdagang K9 units.

Samantala, pauna ng DOTr, asahan na tuluyan nang maaayos ang serbis­yo ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) dahil sa magaganap na pagkukumpuni sa tatlong araw na shut down nito sa darating na Holy Week.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3 sa March 26 at 27, 2018, Lunes at Martes Santo ay mananatiling normal ang kanilang ope­rasyon habang sa March 28, Miyerkoles Santo hanggang sa April 1, Easter Sunday ay walang ope­rasyon ang MRT-3.

Ito ay para sa pagkukumpuni ng mga tren ng MRT at iba pang pasilidad at magbabalik sa normal ang biyahe ng MRT-3 sa Lunes, April 2, 2018.

Kasabay nito ang pagtitiyak ng lagay ng panahon at pakikipag-coordinate sa coast guard at ang tamang bilang ng mga pasahero na kung saan ay kadalasang nagaganap ang trahedya kapag over loaded ang mga sasakyang pandagat.