Una sa Balita

Dormitoryo, boarding house iparehistro

0 239

Isinusulong ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na magkaroon ng Student Housing Registry para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyante na kumukuha ng on-campus o off-campus housing accommodation sa bansa.

Ayon kay Lapid, ang kakulangan ng mura at disenteng tirahan para sa mga estud­yante ang isa sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

“Ngayon na libre na ang tui­tion sa ating mga SUC, nararapat lamang na tuunan naman natin ng pansin ang kakulangan ng maayos na mga matitirahan para sa ating mga estudyante,” ani ni Lapid.

Sa ilalim ng Senate Bill 1036 na inihain ni Lapid, oobligahin ang bawat lungsod at munisipalidad na iparehistro ang lahat ng student housing entity, kabilang ang dormitory, boarding house, room-for-rent, apartment at iba pang tirahan.

Sa ilalim nito, kailangang isama sa pagpaparehistro ang pangalan ng may-ari ng tira­han, mga opisyal o building administrator ng gusali, contact information, address, proof of connection ng tubig at electric gayundin ang rental rates.

Kailangang matiyak na bawat tirahan ay mayroong fire exits at firefighting instruments at dapat ding matibay ang pagkakagawa ng gusali.

“Sa pamamagitan ng panu­kalang batas na ito, bukod sa pagkakaroon ng database ng lahat ng mga dormitoryo o boarding house sa bawat munisipalidad, ay nais din nating tingnan ang kakayanan ng mga paupahan na ito na masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng mga umuupang estudyante lalo na sa panahon ng sakuna,” saad ni Lapid.

Nakasaad din sa panukala, na sasailalim sa inspeksiyon ang gusali bawat taon at ire-report ito sa local chief executive at isasapubliko.

Ang sinumang hindi sumunod sa registration requirement o di kaya’y hindi pumayag sa inspeksiyon ay papatawan ng pagkansela ng business permit at may multa pang P50,000. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy