Una sa Balita

Domingo nambarako, Alab sa F4 dumiretso!

By
0 1,239

Laro sa Abril 11 (Southorn Stadium, Wan Chai):
8:00 pm — Hong Kong Eastern vs Alab Pilipinas

Sampa sa Asean Basketball League semis ang Alab Pilipinas matapos palamigin ang Saigon Heat, 96-85, Sabado ng gabi sa CIS Arena sa Ho Chi Minh City, Vietnam.

Haharapin ng Alab Pilipinas sa simula ng semifinal series sa Miyerkoles sa Southorn Stadium, Wan Chai ang Hong Kong Eastern team na binabanderahan ni 2018 PBA top pick Christian Standhardinger.

Sumalikwat ng 25 puntos ang bumidang bench player na si Lawrence Domingo katuwang ang mga reinforcement na sina Renaldo Balkman (21 puntos, 12 rebounds) at Justin Brownlee (18 puntos, 13 rebounds, 3 assists).

Huling nagbuhol sa iskor, 40-all, may apat na minuto pa sa ikalawang yugto, pero kumalas ang Alab sa magkasunod na dakdak nina 6-foot-5 Domingo at 6’7” American forward Brownlee.

Nag-ambag din si Pao Javelona ng 11 puntos, anim na rebound at apat na assist habang nagkasya lamang si Bobby Ray Parks, Jr. sa 10 puntos, pitong rebound, tatlong assist at isang block.