DOLE tinengga P300M ayuda ng mga guro

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipamahagi na ang ayudang inilaan ng Bayanihan to Recover As One Act (Republic Act 11494) o Bayanihan 2 sa mga guro at non-teaching staff na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ng COVID-19.
“Bakit inabot ng ganitong katagal ang ayuda para sa mga guro?” tanong ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ayon pa kay Gatchalian, dapat tinutukan ang sektor ng edukasyon lalo na’t isa ito sa mga pinakaapektado ng COVID-19.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 na nilagdaan noong Setyembre 2020, may P300 milyong nakalaan bilang one-time cash assistance sa mga teaching at non-teaching personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school at kolehiyo.
Kasama rin sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga part-time na guro sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na nawalan ng trabaho o kaya ay hindi nakatanggap ng kanilang sahod. (Dindo Matining)