Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Doktora hinabol ng saksak sa clinic

0 14

Nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay ng isang lady physician makaraang habulin ng saksak ng tambay sa loob mismo ng klinika ng una sa Malabon City, Lunes ng gabi.

Bakas pa sa mukha ni Eva Christine Andrade, 51, may-asawa, nakatira sa No. 47K Huat Huat Building, Governor Pascual Avenue, Barangay Potrero ng lungsod ang takot habang kinukunan ng statement sa Sub-Station 2 ng Malabon Police Station.

Ayon sa report, alas-10:45 ng gabi, nasa kanyang klinika ang doktora sa naturang gusali na noo’y pasara na nang dumating ang suspek na si Paulo Gonzales, 37, residente ng Concepcion Street , Barangay Tugatog at dumiretso sa klinika ng biktima na may hawak na patalim.

Pagkakita sa ginang, sinugod ito ng saksak ni tambay at buwenas na hindi tinamaan ang doktora hanggang sa magawa ng una na makalabas at magpasaklolo sa mga kapitbahay.

Sinugod ng mga naroon ang suspek at pinagtulungang gulpihin hanggang sa dumating sina PSSg. Julius Cezar Mendoza at PCpl. Larry Ocampo at binitbit sa presinto ang gulpi-saradong si Gonzales.

Nahaharap sa kasong attempted homicide ang suspek at inaalam pa ang motibo nito. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.