Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Doktor Para sa Bayan

0 149

Sa gitna po ng pandemya, iniakda at isinulong po natin ang isa sa pinakamahalagang batas sa ating kasaysayan, ang Doktor Para sa Bayan Law o ang Republic Act No. 11509.

Noong ika-11 ng Mayo 2020, isinumite po natin sa plenaryo ng Senado ang nasabing panukalang batas para tugunan ang deka-dekada nang problemang pinatingkad pa ng COVID-19 pandemic, ang malubhang kakulangan sa mga doktor sa bansa.

Naging napaka-espesyal po sa atin ng batas na ito hindi lang dahil tayo ang Chairman ng Senate Committee on Higher Education, kundi dahil ginawa natin ang mga konsultasyon at isinapinal ang panukalang batas na ito habang nakaburol ang aking kapatid na si dating Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna na pumanaw dahil sa isang matinding karamdaman.

Naisama rin po natin sa 2021 budget ang ₱1.2-bilyong pondo para sa pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Law, partikular na ang medical scholarship at ang seed fund para sa pagtatayo ng mga bagong school of medicine.

Bago naipasa ang batas, mayroon lang pong siyam na mga public medical schools sa buong bansa. Ilang buwan matapos magkabisa ang Doktor Para sa Bayan Act, nadagdagan na po ito ng dalawa: ang Cebu Normal University-Vicente Sotto Memorial Medical Center, at ang Western Mindanao State University.

Bukod dito, may pending application na rin ang limang iba pang SUCs para makapag-offer ng Doctor of Medicine Program: Isabela State University, Batangas State University, Cavite State University, University of Southern Mindanao, at Mindanao State University-General Santos.

Dahil sa patuloy nating panghihikayat, apat na iba pang SUCs ang nagpahayag na rin ng kanilang intensyong magbukas ng Doctor of Medicine Program: Bulacan State University, Mindanao State University – Iligan Institute of Technology, Nueva Ecija University of Science and Technology, at ang Southern Luzon State University.

Related Posts

Layunin po nating magkaroon ng pampublikong school of medicine sa kada rehiyon sa bansa upang lalong mailapit ang oportunidad sa mas maraming mga kabataang nais maging doktor.

Ayon po sa mga pag-aaral, mayroon lamang pong 3 doktor sa kada 10,000 tao sa bansa, di hamak na malayo sa rekomendasyon ng World Health Organization na 10 doktor sa kada 10,000 tao.

Bago ang pandemya, anim sa kada sampung nagkakasakit na Pilipino ang hindi nakakakita ng doktor lalo na sa mga kanayunan. Sa pagtama ng pandemya, maraming mga kritikal na COVID patient ang hindi na umaabot pa sa ating mga ospital.

Ngayon, dahil sa Doktor Para sa Bayan Law, kahit sinong Pilipino, anuman ang antas sa buhay, kaya nang tuparin ang pangarap na maging doktor. Patuloy po nating ilalaban ang iniakda nating batas nang sa gayon ay matupad ang 12,165 na mga medicine graduate taon-taon upang sa taong 2030, makamit na rin natin ang 10:10,000 doctor to population ratio.

Hindi lang po scholarship para sa mga gustong mag-medisina ang iniaalok ng ating ipinasang batas, kundi garantisado at permanenteng trabaho rin sa ating mga pampublikong ospital pagkapasa nila sa board exam upang matupad din ang nakasaad sa batas na “one doctor per municipality”.

Kapag nakapagtapos ang isang anak at nagkaroon ng trabaho, inaasahang siya naman ang magtutustos sa kanyang mga magulang at maging mga kapatid. Ganyan din po ang intensyon ng Doktor Para sa Bayan Law o Republic Act No. 11509. Pag-aaralin ka ng medisina ng estado pero inaasahang magsisilbi ka rin sa bayan.

Babantayan po natin ang pagpapatupad ng batas na ito na nagbibigay ng mas malaking tiyansa sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino na manalo laban sa mga sakit at pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.