Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DOJ: 7 PDEA, PNP sabit sa McDo ratratan

0 94

Sasampahan ng mga kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at apat na miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa nangyaring ‘misencounter’ umano sa anti-drugs operation na nagresulta sa pagkamatay ng apat na katao sa Commonwealth Ave., Quezon City noong nakaraang taon.

Kasong homicide ang isasampa sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa mga PDEA agent na sina Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman at Jeffrey Baguidudol dahil sa pagkasawi ni P/Cpl. Eric Elvin Garado ng QCPD-Special Operations Unit.

Samantala, direct assault naman ang kakaha­rapin nina P/Cpl. Paul Christian Gandeza, P/SMS. Melvin Merida, P/Lt. Honey Besas at P/Maj. Sandie Caparroso ng QCPD dahil sa mga tinamong sugat ng mga ahente ng PDEA.

Lumitaw sa imbestigasyon na hindi alam ng mga pulis-QC na mga ahente ng PDEA ang kanilang katransaksiyon sa isinagawa nilang anti-drugs operation sa tapat ng Ever Gotesco sa Commonwealth Ave. bandang alas-sais ng gabi noong Pebrero 24, 2021.

Sumiklab ang shootout sa pagitan ng dala­wang panig sa parking lot ng McDonald’s nang unang magpaputok ang mga PDEA agent. Tumagal ng halos isang oras ang bakbakan ng mga ito na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant.

Samantala, dinismis ng DOJ ang homicide complaint laban kay PDEA agent Romeo Asuncion dahil hindi nag-match ang mga balang tumama at nakapatay kay P/Cpl. Lauro De Guzman sa baril nito. Ibinasura rin ang kaso laban kay P/Cpl. Alvin Borja dahil hindi natukoy kung sino ang bumaril at nakapatay kay PDEA agent Rankin Gano. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.