Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DOH tinengga P2B coronavirus fund

0 177

Kinuwestiyon sa Kamara kung saan napunta ang P2 bilyong natipid umano mula sa pagbili ng pamahalaan ng mga COVID-19 supply.

Sa virtual hearing ng House committee on public accounts nitong Biyernes, lumitaw na ang natipid na pondo ay ibinalik umano sa National Treasury matapos na hindi ito magamit.

Nabisto ito matapos na kuwestiyonin ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang paglipat ng Department of Health (DOH) sa P42 bilyon pondo nito sa Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM), na walang kaukulang memorandum of agreement (MOA). Ang naturang paglipat ng pondo ay isa sa sinita ng Commission on Audit (COA).

Inamin ni DOH Procurement Service Director Paul Guimbarda na inilipat nila ang P41.463 bilyong pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng mga supply at sa naturang halaga ay P39.393 bilyon ang naibayad ng PS-DBM kung kaya’t may natira o natipid na P2 bilyon

“Kanino napunta ang savings na ito? Saan napunta ang savings na ito?” tanong ni Zarate.

Maging si Probinsyano Ako party-list Rep. Bonito Singson, chairperson ng komite, ay nabahala rin kung saan napunta ang natipid na pondo.

“`Yong savings na `yon those should be credited to the DOH funds kung savings. Kung hindi, ano na ang nangyari sa savings na `yan sa DBM?” giit ni Singson.

Sa paliwanag naman ni Jasonmer Uayan ng PS-DBM, sinabi nitong ang natipid na pondo ay ibinalik na sa National Treasury dahil napaso na umano ang validity nito. Nabatid na bahagi umano ito ng 2020 national budget.

Dismayado si Zarate dahil maaari sana aniyang ginamit na lang ang pondo para sa ibang bagay katulad ng allowance sa mga health worker. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.