Una sa Balita

DOH lumikha ng express lane sa mga nagka-dengue

0 295

INIUTOS ni Health Secretary Francisco Duque III sa lahat ng mga ospital sa bansa, partikular na ang mga pampublikong pagamutan, na maglagay ng express lane para sa sakit na dengue.

Ayon sa kalihim dapat na bigyan ng prayoridad at bigyan ng pansin ang mga pasyenteng tinamaan ng dengue.

Nabatid na nagsagawa ng ins­peksiyon si Duque sa San Lazaro Hospital para personal na makita ang situwasyon ng mga dengue patient na naka-confine sa pagamutan.

Sinabi ng kalihim na dapat ay may express lanes ang mga pagamutan kung saan maaaring idiretso ang mga dengue patient upang kaagad na mabigyan ng karampatang lunas ang mga ito.

Sinabi ni Duque na sa Metro Manila ay nasa 8,191 ang bilang ng kaso ng dengue mula noong Enero 1 hanggang Hunyo 2019.

Ito umano ay mas mababa naman ng 13% kumpara sa naitala nilang kaso ng dengue noong nakalipas na taon.

Sa Maynila, mula sa 1,087 kaso na naitala noong 2018, bumaba na ito sa 856 kaso para sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

Habang sa San Lazaro Hospital ay may 45-pasyente ang naka-confine dahil sa dengue at 35 sa mga ito ay pawang mga bata.

Una nang nagdeklara si Duque ng National Dengue Alert sa bansa matapos na makapagtala ng mabilis na pagdami ng dengue cases, na mula lamang Enero hanggang Hunyo 29 ay umakyat na sa 106,630 kaso, kabilang ang 450 nasawi sa sakit, o mas mataas ng 85% kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon.

Ayon kay Duque, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeklara sila ng national dengue alert upang mabalaan ang publiko laban sa naturang karamdaman na maaaring makamatay.

Base naman sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Manage­ment Council (NDRRMC), mula Ene­ro hanggang Hulyo 12 ng taong ito ay umaabot na sa 15,803 kaso ng dengue ang nairekord sa Western at Eastern Visayas.

Naiulat na 23 ang nasawi sa Negros Occidental, 20 sa Iloilo, 15 sa Aklan, 15 sa Capiz, 5 sa Antique, 5 sa Iloilo City at tig-dalawa sa Bacolod City at Guimaras. (Juliet de Loza-Cudia/Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy