Una sa Balita

DOF hinahabol ang P1.6B sa Sunvar Realty

0 282

Hinahabol pa ng Department of Finance (DOF) ang mahigit P1.6 bilyon mula sa Sunvar Realty Corp. para sa paggamit nito ng 2.2-hektaryang lupa sa pagitan ng Pasong Tamo at Vito Cruz Extension sa Makati City na mas kilala bilang Mile Long property na pag-aari ng National Power Corp noon.

Ayon sa 2018 Audit Audit Report sa Privatization Management Office, inutusan na ng Regional Trial Court Branch 141 ng Makati City ang Sunvar na bayaran ang pamahalaan ng P630 milyon para sa paggamit nito sa naturang lupa mula Enero 1, 2003 hanggang Marso 31, 2009 bilang “reasonable compensation” at renta na P10.364 milyon buwan-buwan simula Abril 1, 2009 hanggang Hulyo 31, 2017 na tataas ng 10% taon-taon.

Ayon sa Commission on Audit, 2002 pa sinabihan ng Napocor ang Sunvar na hindi na nito ire-renew ang lease contract para Mile Long. Subalit nanatili pa rin ang Sunvar sa lugar kaya’t muli itong sinulatan ng Office of the Solicitor General noong 2008 na lisanin na ang lupa bago mag-Enero 26, 2009. Hindi pa rin binitawan ng Sunvar ang lupa kaya dumulog na ang OSG sa Metropolitan Trial Court ng Makati City na naglabas ng desisyon nu’ng 2015 na nag-uutos na sa Sunvar na lisanin ang lupa at magbayad ng back rent sa PMO.

Nang nagkaroon ng resolution mula sa Court of Appeals, inis­yuhan ni Sheriff Ro­bert T. Bautista ng RTC Branch 141 ng Makati ang Sunvar na lisanin ang Mile Long na nakuha ng PMO nu’ng Agosto 22, 2017.

Inaapila ng Sunvar ang desisyon at nasa CA pa ito. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy