Una sa Balita

DOE, ERC sabit sa nilutong Meralco-MVP bidding

0 286

Nakaladkad ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa kontrobersya hinggil sa katatapos na bidding ng Manila Electric Company (Meralco) matapos akusahan ng Bayan Muna Party-list na luto ang isinagawang competitive selection process (CSP).

Tinukoy ng Bayan Muna ang circular order na pinalabas ng DOE na nagpahintulot sa mga distribution utilities (DUs) tulad ng Meralco na pumili ng third party para mangasiwa sa bidding ng power supply.

Ang usaping ito ay inakyat ng nasabing party-list sa Supreme Court (SC). Bilang tugon, inatasan ng SC sa nilabas na re­solusyon nitong Oktubre 1, ang DOE at ERC na sumagot sa petisyon ng Bayan Muna sa loob ng 10 araw.

Kinuwestyon ng petitioner ang Ener­gy Department Circular 2018-02-003 na siyang nagpapahintulot sa mga DU na magtalaga ng sarili nilang third party na mangangasiwa sa CSP ng lahat ng power supply agreement (PSA).

“Acting on the petition for certiorari and prohibition (with application for the issuance of a writ of preliminary injunction and/or temporary restraining order), the Court resolved, without giving due course to the petition, to… require the respondents to comment thereon within 10 days notice hereof,” batay sa desisyon ng SC.

Bukod sa DOE at ERC, kinalampag din ng SC ang Meralco, Bantayan Island Electric Cooperative, Inc., (Banelco), Isabela II Electric Cooperative, Inc. (Iselco II), Marinduque Electric Cooperative Inc. (Marelco), Occidental Mindoro Electric Cooperative (Omeco) at Sorsogon II Electric Cooperative Inc. (Soreco II), para magkomento rin sa nasabing petisyon.

Matatandaang inamyendahan ng Circular 2018-02-003 ang ilang probisyon sa Circular 2015-06-0008, kabilang na ang mandato nito sa pagpili ng third party na kinikilala ng ERC at DOE o National Electrification Administration (NEA).

Sa petisyon na inihain ng Bayan Muna sa pangunguna ni chairman Neri Colme­nares at Rep. Carlos Zarate, sinabi ng mga ito na nilabag umano ng Circular 2018-02-0003 ang mga polisiya at probisyon na isinasaad sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na siyang pumoprotekta sa karapatan ng mga konsyumer.

“Whether or not the DUs will manipu­late the bidding is of no moment. The fact is, the assailed department circular has expressly reversed provisions favo­ring the consumers and given the DUs the opportunity to manipulate and the option to control the bidding process which is detrimental to the consumers and violative of relevant laws,” katuwiran ng mga petitioner.

Unang naglabas ng desisyon ang SC na nagpapawalang-bisa sa mga pinasok na PSA ng mga DU. Inatasan ng High Court ang mga DU na magsagawa ng public bidding upang matiyak ang mababang presyo ng kuryente. Hagip ng kautusan ng SC ang mga diumano’y sweetheart deal ng Meralco sa mga kompanyang pag-aari rin ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan. (Lorraine Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy