Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Doc pinatumba sa natsuging pasyente : P150K bayad sa 4 killer

0 275

Halagang P150,000 na paghahatian pa ng apat katao, ito lang ang katumbas ng buhay ng isang doktor na kanilang pinagbabaril at pinatay sa Cagayan De Oro City nitong Huwebes, base na rin sa pag-amin ng mga nadakip na suspek.

Subalit bulilyaso ang pagkakatanggap nila sa bayad sa pamamaslang kay Dr. Winston Andutan, 62, medical director ng Maria Reyna-Xavier University Hospital dahil naaresto sila ilang oras matapos ang pagpatay.

Matatandaang pinagbabaril ng riding in tandem suspects si Dr. Andutan pasado alas-10:00 ng umaga nitong Huwebes sa 2th Street kanto ng 29th Street sa Barangay Nazareth, Cagayan De Oro City.

Alas-3:00 naman Biyernes ng madaling-araw nang madakip ang suspek na sina Jomar Pacilan Adlao, 30; Marjun Abayon Cabug, 39, kapwa taga-Bukidnon at Joel Arcilla Nacua, 37, ng Valencia City.

Ito rin sana ang araw kung saan makukuha nila ang P150,000 kabayaran sa pagpatay sa doktor.

Ang mga ito ay nadakip sa safehouse nila sa isang beach resort sa P-1 Barangay San Alonzo, Balingoan, Misamis Oriental.

Matapos ang ilang oras ay nadakip ang ikaapat na suspek na si Felipe Tingabngab Entira, 63. Habang nakatakas naman si Rene Tortosa, dating miyembro ng Philippine Army at umano’y pangunahing suspek sa pamamaslang kay Andutan at siya rin umanong nakakakilala sa mastermind at nagpapatay sa biktima.

Sa salaysay ng mga suspek, inamin ni Nacua na siya ang bumaril kay Andutan lulan ng motorsiklo na minamaneho ni Cabug.

Ayon naman sa mga nadakip na suspek, hindi umano nila kilala ang mastermind dahil si Tartosa umano ang kausap nito at ang alam lang nila ay kaya ipinapapatay si Andutan ay dahil sa pasyente nitong namatay. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.