Una sa Balita

Dobleng pensyon sa mga senior target ni Angara

0 245

DAGDAG pensyon sa mga nakatatanda, ‘yan ang isa sa mga prayoridad ni Senator Sonny Angara sakaling mu­ling mahalal bilang senador.

Ani Angara, isa sa mga awtor ng RA 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, dapat nang madoble ang social pension mula sa kasalukuyang P500 kada buwan, base na rin sa nilalaman ng batas. Kung magkakagayon, P1,000 social pension na ang kanilang matatanggap at sakop nito ang pinakamahihirap na senior citizens sa bansa na walang anumang natatanggap na pensyon mula sa gobyerno.

Isa rin si Angara sa mga awtor ng RA 10654 o ang mandatory PhilHealth coverage para sa lahat ng senior citizens.

“Tatlong mahahalagang layunin ang nais nating matupad kaya’t isinusulong natin ang pagdodoble sa natatanggap nilang social pensyon. Una, nais nating masiguro na naalagaan sila nang maayos, pangalawa, mawala ang pension coverage gap at maging patas sa lahat ng seniors at pangatlo, kilalanin ang mga naitulong ng mga nakatatanda sa ating bansa noong kanilang kalakasan pa,” ani Angara, muling tumatakbong senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara.

Kaugnay nito, nilalayon din ng batas na marepaso kada dalawang taon ang halaga at coverage ng social pension upang matiyak na maging ang seniors na tumatanggap ng mas mababa sa basic pension ay makikinabang dito. Ito ay ang mga tumatanggap ng pensyon na P3,400 pababa mula sa SSS o kaya naman ay P5,000 pababa mula sa GSIS. (Lorrain Gamo/Dang Samson-Garcia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy