Una sa Balita

Doble-ingat habang papalapit ang pasko

0 346

Ngayon ay literal na nating ­masasabi na ilang tulog na ­lamang ay Pasko na, masaya at makulay ang paligid ngunit dapat nating alalahanin na mas papalapit ay paparami at papataas ang krimen.

Ayoko namang maging killjoy sa saya ng tinatamasa natin ngayong kapaskuhan, ang gusto ko lamang ay magtuluy-tuloy ang sayang nararamdaman ng bawat isa kung hindi tayo mabibiktima ng mga masasamang loob.

Ayon kasi sa datos ng ­Philippine National Police (PNP) dalawang okasyon sa loob ng isang taon ang ramdam na ramdam ang pagtaas ng krimen, ito ay ang panahon ng enrollment at araw ng kapaskuhan.

Dahil sa dami ng walang trabaho sa ating bansa, marami sa ating mga kababayan, partikular ang mga ama na kumakapit na sa patalim sa pamamagitan ng paggawa ng krimen.

Tanggap naman natin ang sitwasyon na napakahirap sa isang ama ang makita niya ang kanyang anak na wala man lamang bagong damit o laruan sa araw ng Pasko.

Ang hindi lang natin tanggap ay kapag gumawa na ng masama ang isang tao para lamang matugunan ang ­pangangailangan ng pamilya ngunit marami ang ­nauubligang gawin ang mga masasamang bagay dahil hindi malabanan ang emosyon.

Kaya rito ako nagbibigay ng babala dahil aktibo na naman lahat ng modus operandi,

Doble-ingat…

maging bago o luma ay naglalabasan para kumita lamang at alam ng mga kawatan na maraming umiikot na pera sa pamilihan tuwing kapaskuhan.

Nangunguna na ang pagpapakalat ng mga pekeng pera, karaniwan ay isang libo o tig-lilimang daan, at may mga nasakote na ang pulisya na nagbabayad gamit ang pekeng salapi.

Siguradong tataas din ang insidente ng snatching at robbery holdup lalo pa at uso na ang riding-in-tandem na gumagawa ng mga krimen at walang pakialam kahit masaktan ang biktima maisagawa lang ang pagnanakaw.

Kabi-kabila ang pagdagsa ng mga namamalimos, may dayo mula sa iba’t-ibang probinsiya at may peke na karaniwan ay miyembro ng sindikato na nagpaparenta ng sanggol para mamalimos.

Maging ang Budol-Budol Gang na napakaluma na ng istilo ay umaatake rin dahil marami pa ring kasambahay ang napapaniwala nila na ang kanilang amo ay kailangan ng pera dahil naaksidente , ang inosenteng kasambahay ay ibibigay lahat ng puwedeng ibigay, ‘yun pala ay modus lamang.

Pati Salisi Gang, kahit hindi Pasko nakakalat ang mga ‘yan at karaniwan silang umaatake sa mga shopping mall, restaurant o food court at binubuo ‘yan ng tatlo hanggang lima katao o mas marami pa.

Lahat ng mga masisikip na lugar tulad ng Baclaran at Divisoria o kahit simbahan pa basta siksikan ang mga tao ay tiyak na naglipana diyan ang mga mandurukot kaya dapat ay alerto.

Masaya na ang Pasko, pero kung mabibiktima tayo ng mga masasamang loob ay bigla tayong lulungkot kaya doble-ingat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy