Una sa Balita

DND walang pondo sa makakapatay ng NPA – Lorenzana

By
0 2,404

Hindi manggagaling sa Department of National Defense (DND) ang pabuyang ibibigay ng pamahalaan sa mga Lumad na makakapatay ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Ito ang nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa P20,000 halaga na alok ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag nakapatay ng bawat mi­yembro ng komunistang NPA ang mga Lumad.

Sinabi ni Lorenzana na walang pondo ang DND para ipambayad sa mga Lumad na makakapatay ng NPA.

“Posibleng mangga­ling ang pondo sa intelligence fund ng Pangulong Duterte, kasi kung sa amin ay wala kaming pondo diyan,” wika ni Lorenzana.

Ayon kay Lorenzana, ang alok ng Pangulo ay pantapat lamang sa banta ni Communist Party of the Philippine (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na papatay ang NPA ng isang sundalo bawat araw.

Matatandaang ina­lok din ng Pangulo na sasanayin ng militar bilang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang mga Lumad para maprotektahan ang kanilang mga komunidad laban sa NPA.