Una sa Balita

DND suportado ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience

0 102

TODO-SUPORTA si Department of National Defense Secretary Secretary Delfin Lorenzana, na siya ring chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pag­likha ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Lorenzana ang House of Representatives, na pinamumunuan ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, sa dagliang pagtugon nito sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2018 State of the Nation Address (SONA) niya para likhain agad ang DDR.

Matapos siyang manumpa bilang bagong Speaker, kaagad inatasan ni Arroyo ang House committees on Government Reorganization, at Defense and Security na busisiin agad ang panukalang batas para sa ahensiya. Kaagad tumalima ang dalawang kumite at pinagtibay ang panukala, na kaagad din hinarap ng Appropriations committee para pagtalagahan ito ng kaukulang bad­yet. Nakahanda na ang House Bill 6075 para sa plenaryo ng Kamara.

Pinasalamatan din ni Lorenzana ang panguna­hing may-akda ng HB 6075, si Albay Rep. Joey Sarte Salceda at 34 iba pa na ang mga kaugnay na panukala ay isinama sa kanyang bill. Pinuri rin niya ang mga chairman ng House committees on Government Reorganization, Defense and Security, at Appropriations – sina Reps. Xavier Jesus D. Romualdo, Amado Espino at Carlo Cua, ayon sa pagkakasunod – dahil sa pagbigay nila ng prayoridad sa panukala. Sadyang kaila­ngan ng bansa ang DDR dahil sa malimit at mapanirang mga kalamidad, dagdag niya.

Ayon naman kay Salceda, ang madiing pa­nawagan ni Pangulong Duterte sa kanyang 2017 at 2018 SONA para itatag ang isang mabisang ahensiya para tugunan ang malamit na pananalasa ng mga kalamidad ay nagpadali upang magkatotoo at matupad ang panukala niyang DDR. Ang HB 6075 niya ay batay sa napansing kahinaan ng NDRRMC matapos ang paghagupit ni super typhoon Yolanda.