DNA test, didiin kay Miling sa Bulacan massacre


Nakatakdang isumite ngayon ng Special Investigation Task Group (SITG) ng Bulacan PNP sa city prosecutors office sa San Jose del Monte City ang resulta ng DNA test ng Bulacan Provincial Crime Laboratory Office (BPCLO) na lalong magdidiin sa self-confessed suspect na si Carmelino Ibañez sa pagmasaker sa limang miyembro ng pamilya sa Northridge Royal Subivision, Barangay Sto. Cristo kamakailan.

Ayon kay P/Supt. Fitz Macariola, San Jose del Monte City police chief, isusumite nila sa piskalya ang DNA result na lalong magpapalakas ng kaso laban kay Ibañez matapos itong magtugma sa specimen na nakuha sa biktimang si Estrella Carlos na nagpositibong ni-rape ng suspek habang sabog sa droga at lango sa alak.

Ang suspek na si Ibañez alyas Mi­ling, 26, binata, construction worker at kapitbahay ng mga biktima ng masaker ay nahaharap sa kasong 5 counts of murder at 2 counts of rape na isinampa noong Hunyo 29 sa city prosecutors ng San Jose del Monte City ilang oras matapos iharap sa publiko at amining nag-iisa siyang gumawa ng krimen.

Ngunit kinabukasan, ang pag-ako ng nag-iisa sa masaker ay biglang kumambiyo at bumaligtad si Miling at sa harap ng kanyang pribadong abogado ay inamin nitong kasama niya sa krimen ang kainumang sina Ronaldo Pacinos alyas ‘Inggo’ at Anthony Garcia alyas ‘Tony’ na bagama’t hawak ng awtoridad ay pinakawalan dahil sa kawalan ng ebidensya kahit inginuso ni Miling hanggang magkasunod na napatay.

Ang suspek na si Miling ay patuloy na nakadetine sa San Jose del Monte City Jail at bantay-sarado ito ng awtoridad dahil sa posibilidad na itumba ito.

SHARE