Una sa Balita

DMCI-CONSUNJI condo may dengue outbreak

0 290

NAGREKLAMO ang isang residente ng Ohana Place sa Las Piñas sa dengue outbreak sa kanilang lugar.

Ang Ohana Place ay isang condominium deve­lopment ng DMCI ng mga Consunji sa Las Piñas City at nababahala ang mga residente sa dengue outbreak sa kanilang lugar dahil bihira naman ang mga kaso ng dengue kung walang mga nakaimbak na tubig at sarado naman ang mga units at parati namang naka-aircon. Ang mga Consunji din ang gumawa ng dalawang condominium na kinondena ng Davao City local government matapos ang serye ng lindol dahil hindi na ito ligtas para tirhan.

Nitong October 28, inireklamo ng isang netizen sa Alabang Bulletin ang outbreak ng condo sa Ohana Place.

“It’s getting frustrating as more and more individuals and families (yes, may isang buong pamilya na dengue dito sa building naming) are getting dengue,” sabi ng netizen na nagreklamo.

Sinisisi niya ito sa construction sa likod ng kanilang building dahil may hukay na malalim doon kung saan naiimbak ang tubig at binabahayan ng mga lamok. Sabi niya, paulit-ulit na silang nagreklamo sa city hall at sa building admin ng Ohana pero walang nangyayari.

Tinanong ng Abante ang DMCI tungkol dito ngunit hindi pa ito nagbibigay ng pahayag as of press time.

“Nagmamakaawa na kami sa munisipyo, gawin ninyo naman ang trabaho ninyo. ‘Wag lang isang beses na pakitang tao, inspeksyunin ninyo ‘tong buong construction site. Pati basura minsan ‘yang styro at karton nililipad papunta sa amin. Nagsisiga ng basura/kahoy, tuloy ang makinarya kahit gabi. Okay lang sana kung kapwa mga taga-Las Piñas makikinabang, pero ang masaklap, mga dayuhan,” sabi niya.

Ayon sa netizen na si Moss Trek, “naglagay ng malaking pera sa mukha ng mga city hall official ang may-ari ng construction site na ‘yan kaya wapakels ang City Hall officials diyan.”

Ayaw niyang ibigay ang kanyang pangalan dahil maraming backers ang construction na iyon sa Las Piñas City Hall. Usapan sa lugar, ginagawa na iyong condo at POGO na babahayan ng mga Intsik. Tinanong na ng Abante ang Las Piñas City Hall tungkol sa inirereklamong construction ngunit wala itong ibinigay na pahayag.

Ang mayor ng Las Piñas ay si Mel Aguilar na sister-in-law ni Senator Cynthia Villar. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy