Una sa Balita

Diwa ng Boluntirismo

0 441

Noong Mayo 18, 2009, nilagdaan ang Proklamasyon Blg. 1778 na nagtatakda sa buong buwan ng Mayo bilang “Volunteerism Month.”

Sa ating diksiyonaryo, ang salitang boluntaryo ay nangangahulugang “isang pagkilos o paggawa ng isang bagay nang hindi pinipilit.”

Bagamat ang kalimitang impresyon sa mga volunteer ay mga indibidwal, grupo ng mga kabataan, pribadong organisasyon o mga kasapi ng simbahang sama-samang naglilinis ng mga lansangan, nagtatanim ng mga puno, o namimigay ng mga relief good sa panahon ng kalamidad o pandemya tulad ng COVID-19, malaki po ang implikasyon sa ekonomiya at pagtataguyod ng progresibong lipunan kung may matibay na diwa ng boluntirismo ang mga mamamayan.

Sa isang papaunlad na bansa tulad ng Pilipinas, sadyang limitado po ang badyet ng pamahalaan at sa panahon ng kalamidad o health emergency, malaking bagay po na may kusa tayong lahat na magbigay ng serbisyo o anumang tulong nang walang hinihintay na kapalit.

Sa kasagsagan ng lockdown, nagboluntaryo po tayo at nagkusang umikot sa iba’t ibang bayan sa Gitnang Luzon at CALABARZON para matulungan po nating maitawid ng ating mga kababayan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Personal po tayong namigay ng mga bigas, de-lata, noodles, at gulay na may lahok na panalangin sa ating mga kababayan sa Bulacan, Zambales, Pampanga, Rizal, Laguna, Cavite at ilang mga lugar sa NCR.

Sa tulong naman po ng ating mga volunteer, naghatid po tayo ng tulong sa Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, Bohol, Cebu, Dumaguete, Negros Occidental, Iloilo, Guimaras, Antique, Lanao del Norte, Iligan City, Leyte, Biliran, Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, at iba pang lugar sa bansa.

Kaya taus-pusong pasasalamat po ang gusto nating iparating sa lahat ng mga volunteer, lalo na po ang mga nakasama natin sa ating mga relief operation habang pinapanatili sa lahat ng oras ang isang metrong layo sa isa’t isa.

Naiulat po ng “Charities Aid Foundation’s World Giving Index 2017” na pampito ang Pilipinas sa listahan ng 139 na mga bansa na may pinakamaraming bilang ng mga volunteer. Umabot po sa 25-milyong Pilipino ang nag-volunteer noong taong 2016.

Noong Abril, maraming mga volunteer ang nakatanggap ng babala mula sa DSWD at DILG dahil sa ginagawang solicitation at distribusyon ng relief good. Marami rin pong volunteer ang hinuli ng mga awtoridad habang umiikot sa mga barangay para kusang mamigay ng tulong.

Gaya po ng nabanggit natin noon, magsusumite po tayo ng panukalang batas para amyendahan ang ilang probisyon ng “Solicitation Permit Law” dahil tila naging sagabal ito para mas maraming makaresponde nang mabilis sa hinaharap nating pandemya.

Susuportahan din po natin ang mga nakahaing panukalang batas sa senado na naglalayong bigyan ang mga volunteer ng proteksyong legal habang nagsasagawa sila ng mga volunteer service lalo na po sa panahon ng krisis, kalamidad o pandemya.

Ilan po sa probisyon ng panukalang “Emergency Volunteer Protection Act” ang pagbibigay ng lisensya o sertipikasyon at pagpaparehistro sa mga volunteer sa Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency bago magbigay ng serbisyo sa gobyerno o mga non-government organization.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, nananawagan po tayo sa CHED, TESDA at sa lahat ng mga State Universities and Colleges sa bansa na mas bigyang pansin ngayon ang pagpapatibay ng diwa ng boluntirismo sa pamamagitan ng mga talakayan sa klase, face-to-face man o online.

Inaasahan naman po natin na tuluyan nang maisasabatas ang “Comperehensive Values Education Bill” para maituro sa ating mga mag-aaral sa murang edad ang halaga ng bolunturismo at kusang-loob na pagtulong sa kapwa.

Sa ngayon, palagi na po nating naririnig ang mga salitang “new normal” dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. Sa ating palagay, lalo pong mangangailangan ng mas matibay na diwa ng bolunturismo sa lahat ng mamamayan ang ganitong sitwasyon.

Ang kusang pagsunod sa mga patakaran tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay, pagdidisiplina sa sarili nang walang nag-uutos o nakasubaybay na mga awtoridad ay isang uri rin po ng “boluntirismo”.

Gawin po natin ito para sama-sama tayong manalo laban sa pandemyang bumabalot pa rin sa ating lipunan hanggang sa ngayon. Isang makabuluhang pagdiriwang po ng “Volunteerism Month” sa inyong lahat.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More