Una sa Balita

Distrito sinariwa ang pagiging Ginebra player

By
0 2,451

ISA si Rudy Distrito sa halos 17,000 fans na nasa loob ng Smart Araneta Coliseum Linggo­ nang gabi, sinaksihan ang unang­ dikitang panalo sa PBA Commissioner’s Cup Finals.

Saksi ang kilalang The Destroyer­ kung paano nakipagsabayan ang Ginebra hanggang agawin ang 87-83 win at 3-2 lead sa championship round.

Tahimik lang na nanonood sa likod ng baseline ang 60-anyos nang si Distrito, medyo nawala ang dati niyang bilugan na katawan.

Paminsan-minsan ay napapaigtad kapag nakakagawa ng magandang play o nakakapagkasa ng magandang stop ang Gin Kings. Maya-maya ay ililibot ang tanaw sa naghihiyawang fans, lalo sa gallery ng Ginebra.

“Ginebra pa rin ako,” natatawang pahayag ng 5-foot-11 guard. “Parang kahapon lang…”

Nakailang teams din sa PBA si Distrito, pero mas nakilala nang mapunta sa Ginebra sa ilalim ni Sonny Jaworski mula 1987 hanggang 1991.

Naging enforcer ng team si Distrito, nakilala sa brusko niyang­ laro.

Wala na siya sa Ginebra, nasa Swift na noong 1995 nang bagsakan ng lifetime ban ng noo’y Commissioner Jun Bernardino. Sa isang laro sa All-Filipino Cup Finals, sinalubong sa ere ni Distrito ang rookie ng Alaska na si Jeff Cariaso at binigyan ng matinding siyapol. Hindi na siya nakabalik sa PBA.

Miyerkoles nang gabi, natuwa­ siya sa init ng suport ng fans sa dating team na Ginebra.

Iba na ang estilo ng laro, pero ang Never Say Die ng Ginebra ay hindi pa rin nagbago para sa kanya.

“’Yung Ginebra na nakikita ko ngayon, pareho lang,” ani Distrito na naka-base na sa Bacolod. “’Pag ganito ‘yung support ng fans, masayang maglaro.” (Vladi Eduarte)