Una sa Balita

Diskriminasyon sa mga rider papasadahan ni Poe

By
0 912

Nais ni Senador Grace Poe na busisiin ng Senado ang mga polisiyang ipinatutupad ngayon para sa mga motorcycle rider lalo na ang sobra-sobrang multang sini­singil sa mga paglabag at ang inirereklamong diskriminasyon sa kanila.

Sa kanyang Senate Resolution 749, iginiit ni Poe na dapat magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Services hinggil sa mga polisiya sa mga rider upang makabuo ng mga regulasyon laban sa mga abusadong gawain.

Sa tala ng Philippine Statistics Authorit­y (PSA), 69% ng mga naitalang aksidente noong 2017 ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Bukod dito, sa impormasyon ng Phi­lippine National Police (PNP), 33% ng mga kaso ng homicide ay kagagawan ng mga motorcycle riding criminal.

Sa kabilang dako, iginiit ng Rider Guardian­s Community (RGC) na dapat matanggal ang stigma laban sa mga rider at dapat pagsikapan pa ang promosyon ng road safety at karapatan ng mga nagmomotorsiklo.

Binigyang-diin ng RGC na sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang diskriminasyon at pag-abuso sa karapatan ng mga riders kabilang ang mga isinasagawang irregular PNP checkpoints; mga batas na nagpapataw ng labis na parusa sa mga rider; mataas na multa at mga lokal na ordinansa na hindi ikinonsiderang mga minimum wage earner lamang ang mga nagmomotorsiklo.

Iginiit ni Poe sa kanyang resolusyon na kailangan ding matiyak na hindi nagkakaroon ng diskriminasyon at matiyak na may patas na pagtrato sa mga rider katulad ng mga driver ng mga four wheeled vehicle­.