Una sa Balita

Diskriminasyon sa kasarian

0 1,488

Dear Abante:

Ika-21 siglo na ngunit mayroon pa ring ‘di pagkakapantay-pantay sa lipunan base sa kasarian ng isa. Hindi lang ito nangyayari sa loob ng komunidad ng LGBTQ+; may diskriminasyon din laban sa mga kasariang itinuturing ng lipunan na normal o katanggap-tanggap.

Mula sa mababang pagtingin sa kababaihan hanggang sa ‘di balanseng pagsigaw ng pagkakapantay-pantay — lahat ng ito ay malinaw na nakikita sa ginagalawan kong bansa.

Isang lantarang ebidensiya ng isyung ito ang liriko sa mga kantang kaswal at tuwirang bumabastos sa kababaihan, na animo sila’y mga laruan lamang. Kung bakit ito tinatangkilik ng madla ay palaisipan pa rin sa akin. Nagbibingi-bingihan ba sila o sadyang sang-ayon sila sa mensahe ng mga kantang iyon?

Gayundin naman, may diskriminasyon ding nagaganap laban sa kalalakihan. Inaasahan silang maging malakas sa lahat ng pagkakataon, at ikinikintal sa kanila na tanda ng kahinaan ang pagpapakita ng emosyon. Kaya naman kahit na mabigat na ang loob ng karamihan sa kanila, pinipili nilang kimkimin ang nararamdaman kaysa umiyak.

Totoo, hindi agad-agad na mababago ang nakasanayan na ng lipunan. Ganoon pa man, umaasa pa rin ako na balang araw ay masosolusyunan ito. Balang araw, makakamit din natin ang pagkakapantay-pantay sa pagitan ng lahat ng kasarian.

Kyra Macariola

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy