Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Diskarteng PNoy, Digong sa infra kasado kay Lacson

0 177

Mananatili ang ‘Build, Build, Build’ (BBB) project sa ilalim ng administrasyon ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson, pero higit na maayos at masinop itong ipapatupad, kumpara sa kasalukuyang gobyerno sa pamamagitan ng kombinasyon na ginamit ng namayapang si dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang mas maayos na implemen­tasyon ng mga proyekto ay personal na tiniyak ni Lacson sa kanyang pagdalo sa unang edisyon ng presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at tinaguriang “PiliPinas Debates 2022: The Turning Point” nang madako ang paksa sa nakalatag na diskarte ng mga presidentiable sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.

Nang matanong sa estado ng BBB sa kasalukuyang gobyerno, ipinaliwanag ni Lacson na hahayaan na lamang niyang ang taumbayan ang magbigay ng kanilang kasagutan sa ulat na 12 lamang sa mga nakatakdang 118 proyekto ang naisagawa.

“Out of 118 projects, ang na-accomplish lang 12. So, kayo na po ang humusga. Mga kababayan na lang natin ang humusga kung matagum­pay ba. Kung itutuloy? Yes. Pero gawin nating better, i-boost natin, at dapat bolder,” ayon kay Lacson.

Nanindigan ang beteranong senador na dapat ipatuloy ang mga BBB project dahil ang kontratang tinutuntungan ng mga ito ay hindi na puwedeng talikuran.

“Sa aking pananaw, legacy ng pangkasalukuyang administrasyon ang ‘Build, Build, Build.’ Huwag na­ting iwanan. Kaya nga lang dahil nga sinabi ko kanina lubog tayo sa utang ay kailangan talaga mag-isip tayo ng ibang pamamaraan. Mag-shift tayo sa Public-Private Partnership,” paliwanag ni Lacson. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.