Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Diskarte sa Delta isasabak vs Omicron! PH handa sa ‘worst scenario’

0 234

Mahigpit na ipaiiral ng gobyerno ang 4-door policy para hindi makapasok ang Omicron COVID variant sa ‘Pinas na nananalasa ngayon sa South Africa at iba pang bansa.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na mahigpit ang gagawing pagbabantay ng gobyerno para hindi makalusot sa bansa ang Omicron virus.

Una aniya sa 4-door policy ay ang pagtiyak na nasusunod ang mga hakbang sa mga inbound traveler gaya ng negative RT-PCR test 72 oras bago bumiyahe mula sa panggagalingang bansa at travel ban sa mga nakitaan ng Omicron.

Pangalawa aniya ay ang mahigpit na quarantine at testing protocols sa mga dumarating na pasahero sa bansa.

Ang pangatlo at pang-apat na polisiya ayon kay Nograles ay ang paalala sa mga lokal na pamahalaan para sa PDITR o prevent-detect-isolate-treat-reintegrate at granular lockdowns.

“Kung may mga surge na nakikita sa mga LGU, dapat ang mga mayor at governor na ang mag-implement ng localized at granular lockdowns,” ani Nograles.

Kinakailangan aniyang maghanda sa posibleng ‘worst case scenario’ at magpapatuloy ang gobyerno sa magbabantay sa mga kaganapan kaugnay sa Omicron COVID variant.

“We have to prepare for the ‘worst case scenario’ po talaga. So lahat iyan in place but we will continue to monitor developments with regard to the Omicron variant,” dagdag ni Nograles.

Sinabi naman ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez naghahanda na ang gobyerno kagaya ng ginawa noon bago pa man dumating sa bansa ang Delta COVID variant.

“Meron po tayong ginagawang paghahanda gaya nong ginawa natin noong panahon ng Delta. Nagkakaroon na tayo ng mga imbentaryo ngayon sa mga hospital, ‘yong personnels, treatment facilities at saka ‘yong treatment and therapies inihahanda na ngayon ng DOH. Mayroon pong directive ang DOH na magkaroon tayo ng scale up ng preparation sa ating pandemic response,” ani Galvez. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.