Una sa Balita

Disaster relief and rehabilitation ngayong tag-araw

0 338

Ang Marso ay itinakdang Fire Prevention Month dahil ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ito ang pinakamainit na buwan ng taon at sa panahong ito maraming naitatalang insidente ng sunog.

Katulad na lang ng pinagdaanan ng Brgy. 20 Tondo, Manila noong papasok ang Marso.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, hindi bababa sa 600 na pamilya ang naapektuhan nang maminsala ang sunog sa mga kabahayan sa barangay. Dahil nawasak ang mga tirahan, kinailangang mamalagi muna sa eva­cuation center ang ibang naapektuhang pamilya. Ang iba namang hindi kinailangang lumikas, may pangangailangan din tulad ng pagkain, gamot, damit, at tubig.

Sa pamamagitan ng Disaster Relief and Rehabilitation (DRR) sa ilalim Angat Buhay program ni VP Leni Robredo, nakapagdala tayo ng tulong sa mga residente ng Brgy. 20. Pagkain at toiletries ang panguna­hing pangangailangan ng mga nasunugan at ito ang bitbit nating tulong sa kanila.

Dahil sa mga partner ng Angat Buhay, nagkakaroon tayo ng oportunidad na hindi lang masagot ang mga pangangailangan ng mga nasalanta, kung hindi makapagbigay din ng pag-asa na maari silang makabangon mula sa ganitong trahedya.

At dahil ilang buwan pa ang tatahakin natin sa mainit at tuyong panahon ngayong tag-araw, nawa’y mapaaalahanan tayo ng mga pag-iingat para hindi masunugan.

Ayon sa Bureau of Fire and Protection, ang numero unong sanhi ng sunog ay nananati­ling dahil sa kuryente. Ibig sabihin, lagi nating alalahanin ang mga appliance sa bahay lalo na iyong mga hindi naman ginagamit, tanggalin sa saksakan. Ugaliin ding i-check ang mga ito lalo pa ngayong panahon na ng bakasyon.

Lagi ring siguradu­hing may ipon na tubig na maaring gamitin para maagapan ang nagsisimula pa lang na sunog. Lalo na ngayong may problema tayo sa supply ng tubig, mainam na lagi tayong may reserba sa panahong kailanganin natin ito.

Isa lang itong DRR project sa Tondo sa mga nagawa natin nitong halos tatlong taon ng Angat Buhay. Naikuwento ko na rin sa inyo ang DRR sa Marawi nang sumiklab ang kaguluhan doon halos dalawang taon na ang nakalilipas.

Gaya ng mga dati na­ting kuwento tungkol sa DRR, parehong agaran at pang matagalan ang tulong na nais nating dalhin sa ating mga kababayang biktima ng kalamidad. Dahil gaya ng iba pang modes of engagement sa ilalim ng programa ni VP Leni, hindi lang panandaliang tulong ang layunin ng ating mga proyekto.

Agaran sa relief operations kung saan bitbit natin ang mga kailangan ng ating mga kababayan. Dahil sa ating mga Angat Buhay partner, madali tayong nakapaghahatid ng tulong sa mga biktima ng sakuna.

Pang-matagalan naman ay ang patuloy na pag-aral natin sa sitwasyon ng kababa­yan natin, at pakikipag-ugnayan sa mga local government unit para malaman kung ano pa ang maari nating magawa para makatulong sa kanilang pagbangon.

Nananalangin tayong hindi na muling magkaroon na mapaminsalang sunog ngunit sa pagkakataong mangyari muli ito sa iba nating kababayan, makakaasa po kayo na nandito ang Angat Buhay team at si VP Leni para magdala ng hindi lang tulong, kung hindi pag-asa na makakabangon muli mula sa sakuna.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy