Una sa Balita

Direktor ayaw nang balikan ang madilim na karanasan kay Christian

By
0 2,997

Kinumpirma ni ­Perci Intalan, isa sa mga producer ng The Idea First Company, na kasama noon ang pangalan ni Edgar ­Allan Guzman sa mga pinagpilian para gumanap na Barbs, ang bestfriend ni Trisha Echevarria (played by Paolo Ballesteros) sa award-winning movie na Die Beautiful pero napasakamay ni Christian Bables ang role.

Isang ­aktor na kontra sa physical appearance ni Paolo ang itsura ang hinaha­nap nila ni Jun Lana, ang wri­ter-director ng Die Beautiful, at dahil parehong moreno sina Paolo at Edgar Allan, ang mestizo na si Christian ang kanilang final choice.

Tinanong si Perci tungkol kay Edgar Allan dahil gumawa ng ingay ang pa­ngalan nito sa 43rd Metro Manila Film Festival dahil sa outstanding performance niya sa Dedma Walking.

Isang taon na ang nakalilipas mula nang maging toast of the town si Christian dahil sa convincing performance niya bilang transgender woman sa Die Beautiful.

After a year, hindi na napag-uusapan si Christian na biglang nagkaroon ng negative ­image dahil tinanggihan niya na gawin ang Born Beautiful kaya pinaratangan na walang utang na loob.

Si Martin del Rosario ang ipinalit nina Perci at Jun Lana kay Christian para gumanap sa karak­ter na pinasikat nito sa Die Beautiful.

Nag-move on na ­sina Perci at Jun mula sa “dark episode” nila kay Christian dahil sunod-sunod ang kanilang mga project, ang Mr. & Mrs. Cruz na co-production venture nila sa Viva Films at ang Ang Dalawang Mrs. Reyes na ire-release ng Star Cinema sa mga sinehan sa ­January 17.

Nang makausap namin si Perci sa presscon ng Mr. & Mrs. Cruz, ikinuwento niya na napakaganda ng pagkakagawa ng direktor na si Sigrid Andrea Bernardo sa pelikula na pinagbibidahan nina Ryza Cenon at JC Santos.

Sinabi ni Perci na napanood na niya ang kabuuan ng Mr. & Mrs. Cruz at naniniwala siya na magugustuhan ng moviegoers ang bagong project ng The Idea First Company.

Nahaharap sa ma­laking pagsubok si Christian Bables dahil siya ang lead actor ng Signal Rock, ang upcoming movie ng multi-awarded director na si Chito Roño at bida sa Recipe for Love ng Regal Entertainment Inc.

Umani si Christian ng mga papuri at nanalo ng mga best supporting actor award dahil sa acting niya sa Die Beautiful pero nagbago ang paniniwala ng mga tao nang mapanood siya sa Finally Found Someone at The Ghost Bride.

Pare-pareho ang verdict ng manonood na mahusay umarte si Christian kapag bakla ang karakter na ginagampanan pero hindi impressive ang kanyang acting kapag straight guy ang role niya.

Napansin din ng ma­talas na paningin ng televiewers na Barbs pa rin ang klase ng pag-iyak ni Christian kahit tunay na lalake ang papel na binigyang-buhay niya sa isang episode ng Magpakailanman noong nakaraang taon kaya parang nahihirapan siya na kumawala sa transgender woman character na nagpabago ng takbo ng kanyang showbiz career.