Una sa Balita

Dinukot na Muslim trader, pinalaya

By
0 2

ZAMBOANGA CITY –– Kinumpirma kahapon ng militar na pinalaya ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Sulu ang isang negosyanteng Muslim na dinukot ng grupo noong nakaraang taon sa Zamboanga City.

Nabatid na pinakawalan si Araji Maani sa Brgy. Wanih Piyanjihan sa bayan ng Parang. Hindi naman sinabi ng militar kung magkanong ransom ang ibinayad ng pamilya ni Maani sa ASG.

Dinukot ito noon Hulyo 27, 2015 at kahapon ay nakabalik na sa kanyang pamilya.

Nakausap na rin ng mga opisyal ng militar at pulisya si Maani, subali’t hindi naman sinabi kung anong impormasyon ang ipinasa ng biktima sa kanila.

Ang paglaya ni Maani ay nataon naman sa sagupaan sa pagitan ng militar at ASG sa bayan ng Patikul sa kabilang bahagi ng Sulu at isang rebelde ang kumpirmadong nasawi sa labanan.

Hindi naman sinabi ng militar kung may casualties o wala, ngunit patuloy ang operasyon sa Sulu na kung saan ay bihag pa ng ASG ang pitong Indonesians, isang Dutch, Norwegian at Hapon, kabilang ang tatlong Pinoy.

Binabakbakan rin ng militar ang ASG sa lalawigan ng Basilan. Kabilang ang dalawang lalawigan sa Muslim autonomous region.