Una sa Balita

DILG employee inaresto ng PSG sa bomb joke

By
0 421

ISANG babaeng empleyado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inaresto dahil sa bomb joke habang nasa loob ng Cuneta Astrodome sa Pasay City bago dumating si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa Barangay Summit on Peace and Order nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Elsie Castillo, 57-anyos, Local Go­vernment Operations Officer VII ng DILG at taga-Caloocan City, na inaresto matapos ireklamo ng isang miyembro ng Pre­sidential Security Group (PSG) na si Corporal Junalyn Ungab.

Base sa ulat ni Sr. Supt. Noel Flores, dakong alas-11:50 nang umaga nang maganap ang insidente sa inspection counter ng Cuneta Astrodome kung saan habang sinisiyasat ng PSG ang laman ng dalang bag ni Castillo ay pabirong sinabi nito na “Ma’am hindi mo ba kakalkalin ang bag ko may laman sa ilalim na bomba ‘yan.”
Dahil sa kanyang bomb joke, ipinaaresto ni Ungab sa mga awtoridad si Castillo.

Dinala sa Pasay City Police si Castillo at sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 (unlawful dissemination or making false threat concerning bombs).

Ayon kay Sr. Supt. Flores, nakita pang labas-masok sa Cuneta Astrodome si Castillo at tuwing babalik sa loob ay isinasailalim sa pagbusisi ang dala nitong bag.
“Siguro nainis itong si Castillo na lagi siya sinisita hanggang sa napikon ito sa PSG hangang sa nagsalita na ito nang pabiro,” ani Flores.

Pero tama aniya ang ginawa ng PSG na magsagawa ng masusing inspection sa lugar.