Una sa Balita

Digong tumimbre kay Atong Ang sa STL Mafia

By
0 6,067

Isinangkalan ng gambling lord na si Charlie ‘Atong’ Ang si Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyang kinasasangkutan nito sa Philippine Charity Sweepstakes Office kaugnay sa ba­lak diumano niyang kontrolin ang operasyon ng small town lottery (STL) sa buong bansa sa pamamagitan ng kaniyang kaibigan na si Sandra Cam na board member ngayon ng ahensiya.

Sumabog ang eskandalo sa PCSO at umabot na hanggang sa Malacañang kasunod ng ginawang pagbubunyag ni Cam sa diumano’y magarbong Christmas party ng ahensiya na ginanap sa EDSA Shangri-La.

Inakusahan ni PCSO general ma­nager Alexander Balutan na ginagamit ni Ang si Cam, ang da­ting whistleblower sa jueteng scandal, upang mapalitan siya sa puwesto para makopo ng gambling lord ang STL sa bansa.

Isiniwalat pa ni Balutan na ilang linggo bago ang appointment ni Pangulong Duterte sa kanila ni PCSO chairman Jose Jorge Corpuz ay nakipagpulong si Ang sa kanila, kasama si Cam at nag-alok umano ito ng P200 milyon kada buwan sa PCSO kapalit ng pag-operate ni Ang sa STL nationwide.

Pero hindi umano niya kinagat ang alok ni Ang dahil sa maliit ito kumpara sa P1.7 bilyong kinikita ng STL kada buwan.

Itinanggi naman ni Ang ang mga isiniwalat ni Balutan suba­lit inamin nitong nagkaroon sila ng isang beses na pag-uusap dahil na rin umano sa paghingi sa kaniya ng tulong ni Pangulong Duterte para maisaayos ang kita ng STL operation.

“Pinatawagan ako ni Presidente kay Cam upang kausapin ko sina Balutan at Corpuz para sa pagsasaayos ng STL,” ayon kay Ang dahil hindi aniya nasisiyahan ang Pangulo sa maliit na kita na pumapasok sa pamahalaan mula sa operasyon ng STL.

Paliwanag pa ni Ang, nagiging ugat umano ng korapsyon ang STL dahil halos 20 porsiyento lang ang naire-remit sa PCSO at ang natitirang 80 porsiyento ay pawang napupunta na sa mafia o sindikato ng mga gambling lord.

“Gustong reme­dyuhan ni President Duterte itong pagpapatakbo ng STL sapagkat ang sabi niya kung anong dapat tanggapin ng gobyerno iyon ang dapat na tanggap ng PCSO upang mapondohan ang health services,” pahayag ni Ang sa panayam sa radyo.

Kaugnay nito, nagpahayag si Balutan ng kahandaang humarap sa anumang imbestigasyon at hinamon pa nito si Cam na magsampa ng kaso laban sa kaniya hinggil sa sinabi nito na magarbong Christmas party ng PCSO na ayon kay Cam ay gumastos ng P10 milyon ang ahensiya.  

Sa hiwalay na pa­nayam naman, sinabi ni Cam na mag-isa lang umano siya sa kaniyang ginagawan­g expose sa magarbong Christmas party ng ahensiya at wala umanong alam si Ang na katulad ng ibinibintang ni Balutan.

Pero, inamin din nito na kaibigan niya si Ang mula pa noong panahon ni dating Pa­ngulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

“Sinasabi niya (Ba­lutan) na friend ko si Atong Ang, true. Hindi ko naman puwedeng i-deny si Atong kasi he’s a friend since Erap’s,” sabi ni Cam.