Una sa Balita

Digong nambulaga sa NAIA

0 299

NAGSAGAWA ng surprise inspection si Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 (NAIA T2) nitong Lunes, Hunyo 10 nang madaling-araw matapos makatanggap ng report hinggil sa kanselasyon at pagkaantala ng mga biyahe.

Kinausap ng Pangulo ang mga opisyal ng NAIA at mga airline hinggil sa aberyang dinanas ng mga pasahero at inalam kung mayroong flight diversion at kung nabigyan ba ng insentibo ang mga pasahero.

Ipinaliwanag ng Philippine Airlines Manager at hindi pinangalanang NAIA terminal 2 duty manager kay Pangulong Duterte ang dahilan ng aberya pati na ang mga ginawang aksiyon para maibalik sa normal ang sitwasyon.

Kabilang sa mga opisyal na kasama ng Pangulo sa surprise inspection ay sina Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal, Civil Aviation Authority of the Philippines Director Gen. Capt. Jim Sydiongco, Leyte Congressman Martin Romualdez at Davao businessman Sammy Uy.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Transportation na agad kumilos at gumawa ng mga hakbang para mabawasan ang mga aberya at magkaroon ng pangmatagalang solusyon.

Kinausap ng Pangulo ang mga naapektuhang pasahero at humingi ng dispensa sa aberya at nangakong reremendyuhan ang problema sa loob ng isang buwan.

Matapos ang surprise inspection ay nagmeryen­da si Pangulong Duterte sa isa sa mga kiosk sa airport. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy