Una sa Balita

Digong mas sikat kay Noynoy – Palasyo

By
0 4,904

Pinatunayan lamang ng survey kung ano ang totoo tungkol kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ng Malacañang matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na mas maraming mga Filipino ang naniniwalang mas magaling si Pa­ngulong Rodrigo Duterte kaysa kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang dudang mas magaling si Pangulong Duterte at mas maraming mga Filipino ang naniniwalang nasa tamang direksiyon ang Presidente sa pangangasiwa sa bansa.

“I think the survey proves what we already know as a fact. Incidentally in addition to 70% believe that he is a better President, 86% believe that the President is taking in the right direction, that is again a fact,” ani Roque.

Ang survey ay ginawa ng SWS noong Dec.8-16, 2017 kung saan 70% sa mga respondent ang naniniwalang nagtatrabaho si Pangulong Duterte, at 8% ang nagsabi na mas magaling si Aquino, habang 20% ang nagsabing pareho lamang ang performance nina Duterte at PNoy.

Pumabor kay Pangulong Duterte ang mataas na approval rating sa Metro Manila na 73%, sa Luzon 63%, 64% sa Visayas at 86% sa Mindanao.

Pinakamataas namang approval na nakuha ni dating Pangulong Aquino sa survey ay mula sa Metro Manila na 10%.

Ang naging tanong ng SWS sa mga respondents ay kung ikukum­para ang pagganap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang tungkulin mula Hulyo 2016 sa paganap ni dating Pangulong Aquino mula Hulyo 2010 hanggang Hulyo 2016, masasabi n’yo ba na mas magaling si Duterte, pareho lang, o mas maga­ling si PNoy?

Nakasaad din sa survey na 69 percent ng mga Pinoy ay naniniwala na ang mga aksyon ni Digong ay akma sa kaniyang tungkulin bilang Pangulo.

Nasa 13 porsyento ng mga res­pondents ang undecided samantalang 18 porsyento ang nagsabi na ‘inappropriate’ ang mga naging aksyon ni Duterte.