Una sa Balita

Digong kuntento sa trabaho ni Solidum

0 283

HINDI makikialam ang Malacañang­ sa plano ng Kamara na imbestigahan ang umano’y pagkukulang ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maglabas ng maagang abiso sa pagsabog ng Bulkang Taal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na karapatan ng Kongreso na mag-imbes­tiga at hindi makikialam ang Palasyo sa mga gustong gawin ng mambabatas.

Pero ipinagtanggol ng kalihim si Phivolcs Director Renato Soli­dum na aniya ay maganda ang performance at mahusay magpaliwanag hingil sa aktibidad ng Taal Volcano.

Kuntento aniya ang Malacañang sa ginagawa ni Solidum at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay walang puna o reklamo sa ginagawa ng Phivolcs.

Binigyang-diin ng kalihim na walang nakakaalam kung kailan puputok ang isang bulkan, pero bahala aniya ang mga mambaba­tas kung gustong ipursige ang planong pag-imbestiga sa mga opisyal ng Phivolcs.

“As if malalaman mo kung kailan puputok ang bulkan. But anyway, that’s the prerogative and privilege of the Legislature, to call for a hearing in aid of legislation. ‘Di hayaan mo sila,” dagdad pa ni Panelo.

Samantala, iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda na magtulu­ngan muna sa halip na magkasa ng imbestigasyon ang Kongreso.

“Kapag ganitong mga pana­hon,­ dapat nagkakaisa. We should unite Help first, comment later,” bilang reaksiyon ng solon sa inihaing resolusyon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na humihi­ling na imbestigahan ang umanoy kapalpakan ng mga kinaukulan partikular ang Phivolcs na nagkulang umano sa ‘dissemination of information’ ukol sa panganib ng pagputok.

Bagama’t nirerespeto niya umano ang hakbang ni Barzaga ngunit sa tingin umano niya ang pangunahing tunglukin ng Kongreso ay hindi para mag-imbes­tiga kundi ang prayoridad ay pagkakaloob ng tulong sa mga biktima. (Aileen Taliping/­Eralyn Prado)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More