Una sa Balita

Digong inutos suyurin ang mga kompanyang endo

By
0 2,290

PINAIIMBENTARYO ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kompanyang sangkot sa labor-only contracting o nag-eempleyo lamang pero hindi ginagawang regular ang mga empleyado.

Sa inilabas na direktiba ng Pangulo, inatasan si DOLE Secretary Silvestre Bello III na magsumite ng listahan ng mga kompanyang gumagamit ng sistemang ‘555’ o end of contract para matukoy ang mga ito at matigil na ang kanilang ganitong gawain.

Kabilang sa mga ganitong kompanya ay nagre-rec­ruit lamang at nagsu-supply o nagpapadala ng mga manggagawa sa mga mas malalaking kompanya o korporasyon.

Karaniwan sa mga sangkot sa labor-only contracting ay mga service provider agency na nag-eempleyo ng mga janitor, maintenance personnel at may kontratang anim na buwan lamang.

Kaugnay nito, muling nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang ipinangako ni Pa­ngulong Duterte noong panahon ng kampanya ay alisin ang endo at hindi ang contractualization.

Nais aniya ni Pangulong Duterte na maalis ang gawain ng mga ‘kabo’ kaya’t mayroong 30 araw ang DOLE para gawin ito.