Una sa Balita

Digong inimbita ni Trump sa Las Vegas ASEAN Summit

0 310

Imbitado si Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa Estados Unidos upang dumalo sa summit sa pagitan ng Estados Unidos at mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong Marso 14 sa Las Vegas, Nevada.

Ayon sa press statement ng Malacañang, ang imbitasyon ay pinadala ni US President Donald Trump kay Duterte at sa siyam pang lider ng ASEAN sa liham na may petsang Enero 9, 2020.

Ang imbitasyon ay unang ipinarating sa isinagawang ASEAN-US meeting at ASEAN Summit sa Thailand noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Hindi nakadalo noon si Trump sa 35th ASEAN Summit at sa halip ay pinadala na lamang sina National Security Advisor Robert O’Brien at Commerce Secretary Wilbur Ross.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na wala pa siyang nakukuhang impormasyon kung may sagot na si Pangulong Duterte sa imbitasyon ni Trump.

“No official info on that,” ani ni Panelo.

Ilang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw niyang bumiyahe sa Estados Unidos.

Bukod dito, may nakasaad din na probisyon sa 2020 budget ng US na puwedeng pagbawalan ng State Department na makapasok sa Amerika ang mga opisyal na siyang may kinalaman sa pagpapakulong kay Senador Leila De Lima.

Isa si Panelo sa gustong ipa-ban ni De Lima sa Amerika. (Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More