Una sa Balita

Digong ihahatid ang mga Balangiga bell sa Samar

By
0 187

MATAPOS ang urong-sulong na plano ay nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na personal na ihatid ang Ba­langiga bells sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar sa nakatakdang turn-over ceremony sa Sabado.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bunsod na rin ito ng kahilingan ng mamamayan ng Eastern Samar na maging bahagi ang Pangulo sa makasaysayang turn-over ng Ba­langiga bells.

Ayon kay Panelo, binago ng Pangulo ang kanyang schedule at mga aktibidad para makadalo sa paghahatid at turn-over ng Balangiga bells.

“Due to the persistent requests from the people of Eastern Samar who look forward to President Rodrigo Roa Duterte’s personally bringing the Bala­ngiga bells to the town of Balangiga, the President has decided to attend the turnover cere­mony of the Balangiga bells to the local officials on Saturday, December 15.

The President has made changes in his schedule of activities to join the Filipino community in welcoming the return of the bells,” ani Panelo.

Matatandaang hindi sumipot ang Pangulo sa pagdating ng tatlong kampana sa Villamor airbase noong Martes at inihayag ng Palasyo na siya mismo ang maghahatid sa tatlong makasaysayang kampana.

Subalit makalipas ang isang araw ay inihayag ni Panelo na hindi na tutuloy ang Pangulo.

Gayunman, muling naglabas ng abiso ang Malaçañang kahapon nang madaling-araw at inihayag na nagbago ang isip ng Presidente at dadalo ito sa turn-over ceremony sa Sabado, Disyembre 15.

Sinabi ni Panelo na isinaalang-alang ng Presidente ang importansiya ng matagal na panahong pagkawala ng Balangiga bells na na­ging simbolo ng katapangan at pagmamahal sa bayan ng mga Pilipinong nagtanggol sa soberenya ng bansa noong Philippine-American War.