Una sa Balita

Digong aminadong nagkamali sa 2016 candidacy

By
0 2,015

INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkamali ang kanilang team sa paghahain ng kanyang kandidatura noong 2016 presidential elections.

“Ang pagkaalam ko pag-file ko ng certificate ko — nagkamali pa nga eh. ‘Yung form ng mayor ang nagamit,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Davao City.

Nabatid na si Duterte ay tumakbo sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang kahalili ni Martin Diño.

Humabol si Diño sa deadline ng paghahain ng kandidatura noong Oktubre 16, 2015 bilang pambato ng PDP-Laban pero nagbigay-daan kay Pangulong Duterte na noon ay urong-sulong sa kanyang pagtakbo sa presidential elections.

Nagkaroon naman ng kontrobersya nang matuklasan na nakasaad sa inihaing certificate of candidacy ni Diño na tatakbo ito bilang alkalde ng Pasay City.

Pero natuldukan ang kontrobersya matapos ang desisyon ng Commission on Elections sa pamamagitan ng botong 4-1 na nagpatibay sa kandidatura ni Pa­ngulong Duterte.

Kamakailan lang ay ginamit na dahilan ng abogadong si Ely Pamatong ang naturang pagkakamali sa COC ni Diño sa inihain niyang quo warranto case laban sa Pangulo.