Una sa Balita

Digong 88% ang approval rating, 62% kay Leni – Pulse Asia

By ,
0 576

NANANATILING si Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang ‘most approved and most trusted’ sa mga opisyal ng gobyerno, batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Biyernes.

Ginawa ang survey noong Hunyo 15 hanggang Hunyo 21 kung saan ay pumalo sa 88% ang approval rating ng Pangulo at nasa 87% naman ang kanyang trust rating.

Mas mataas ito kung ikukumpara sa resulta ng survey na ginawa noong Marso 2018 kung saan ay pumalo sa 78% ang approval rating kay Pangulong Duterte at 80% ang trust rating.

Samantala, nakakuha naman si Vice President Leni Robredo ng 62% approval rating o 7% na mas mataas kumpara sa 55% approval rating na kanyang nakuha sa survey noong Marso 2018.

Nakapagtala rin sa survey ng 56% trust ra­ting para kay Robredo.

Kaugnay nito, inihayag­ ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagagalak sila sa resulta ng survey at nagpapasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ng mga tao kay Pangulong Duterte.

“The Palace expresses its gratitude for our people’s continuing vote of confidence for President Rodrigo Roa Duterte who remains the most approved and most trusted top national official today with 88% approval and 87% trust, respectively,” pahayag ni Roque.

Idinagdag ng kalihim na nagdodoble-kayod ang Pangulo para malutas at malabanan ang mga pangunahing problema ng bansa partikular ang iligal na droga, korapsiyon at kriminalidad para mas mabigyan ng mas magandang buhay ang mga Filipino.