Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Didal bangas sa semplang

0 294

NAGKASUGAT ng malalim sa kanyang noo at kilay habang nagtamo din ng mga malalalim na gasgas sa mukha at ilong ang 2020+1 Tokyo Olympian at 2018 Asian Games gold medalist na si Margielyn Arda Didal matapos magkamali sa tricks at sumemplang sa kanyang pagsasanay sa skateboard sa pinaglalaruan nito sa Cebu City.

Kinailangan na dalhin sa ospital ang 22-anyos na tinanghal din na double gold medallist sa 2019 Manila Southeast Asian Games upang agad na malinisan at malapatan ng lunas ang mga sugat na tinamo nito sa aksidente habang nag-eensasyo Lunes ng umaga.

Namaga din ang labi ni Didal dahil sa malakas na pagkakatama sa aksidente.

Si Didal ay kinilalang Asia Skater of the Year awardee ng 2020 at inirepresenta ang bansa sa Tokyo Olympics sa street event ng skatebaording.

Naging popular si Didal na unang naging babaeng professional street skateboarder sa pagsabak ntio sa X Games na ginanap sa Minneapolis 2018 at nong mapagwagian ang gintong medalya sa 2018 Indonesia Asian Games.

Sumabak din ito sa 2020 Tampa Pro Women’s Open Finals at tumapos na ikatlo bago nakapagkuwalipika sa 2020 Summer Olympics sa Tokyo kung saan unang isinagawa ang sport na skateboarding.

Hindi pinalad makapagwagi ng medalya sa women’s street event si Didal at nabigong makausad sa finals matapos na mapilayan at tumapos lamang na ikapitong puwesto. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.