Una sa Balita

DICT at DILG pinakilos vs cybersex traffickers

By ,
0 17

Nananawagan kahapon ang Blas F. Ople Policy Center sa Department of Information and Communication Technology (DICT) at Department of Interior and Local Governments (DILG) sa pagsang-ayon sa kanilang pinaplanong joint advocacy kontra sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).

Ayon kay Susan Ople, presidente ng naturang Policy Center, kailangang siguraduhin ng DICT na hindi maaabuso ng mga cybersex traffickers ang ipapanukala nilang national broadband program at free Wi-Fi services sa mga pampublikong lugar dahil sa isinasagawang pagpapalawak ng digital connectivity sa kabuuan ng bansa.

“The presence of remittance channels even in the most remote towns in the Philippines makes it easier for cybersex operators to collect payments from pedophiles all over the world,” ani Ople.

Sinabi ni Ople, malaki ang magiging tulong ng DICT at DILG dahil ang DICT ay eksperto sa web safety at privacy habang ang DILG naman ang siyang may hawak sa mga barangay sa bansa.

Samantalang inilabas naman ang lima sa mga dahilan kung bakit madalas masangkot sa online child sex trafficking ang Pilipinas, una na rito ang matinding kahirapan lalo na sa mga probinsya at ilang may mga sangkot sa kaguluhang komunidad, ang mga Pilipino ay tinatawag na western-oriented kaya mabilis na mapaikot sa atensyong ibinibigay ng mga banyaga, bilang isa rin sa mga kinikilalang English-speaking nation, mas madaling nagkakaroon ng koneksyon ang mga pedophiles sa loob ng bansa, mas pinadali na rin ang pagsagap ng internet connection saan mang lugar, at malaki ang nagiging pakinabang ng mga remittance center sa palitan ng pera mula sa mga customer ng cybersex sa labas ng bansa.

Sa kabila ng pagkakaanunsyo ng US Department sa 2017 Trafficking-in-Persons-Report, na pananatili ng Pilipinas sa Tier 1 Category mula pa noong nakaraang taon at pagiging natatanging miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na makasama sa 36 bansang kumikilos kontra trafficking, hindi pa rin tuluyan nawawala ang mga problema kaugnay ng forced labor trafficking at sex trafficking ng mga kabataan, kababaihan, at maging mga kalalakihan sa bansa.

Sa patuloy na pagbaba ng mga oportunidad sa Middle East dala ng kabilaang problemang pang-ekonimiya, pinangangambahang maaaring mas maging desperado ang mga Pilipino na kumita ng pera na posibleng humantong sa human trafficking at cybersex kung saan mas madali at mas mabilis ang pasok ng pera.

Kamakailan lang ay nagkaroon ng partnership ang Blas F. Ople Policy Center at International Justice Mission’s Philippines (IJM) para makapagbigay ng kamalayan tungkol sa online sexual exploitation of children na laganap sa bansa.

“This is fast emerging as a new frontier that the whole Philippine society must guard against, because no less that the lives and dignity of our children are at stake,” pahayag pa ni Ople.

Ang naturang labor advocate na si Susan Ople ay kinilala bilang isa sa mga US State Department’s Trafficking-in-Persons Hero awardee noong taong 2013, nanungkulan bilang undersecretary at chief of staff ng Department of Foreign Affairs (DFA) bago pa man manungkulan bilang full-time head ng Blas F. Ople Policy Center.