Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Diarrhea at COVID-19

0 97

Ang kadalasang sintomas ng COVID-19 ay lagnat, hirap sa paghinga, pagubo dahil sa pulmonya na apektado ang baga at pagkawala ng panlasa at pangamoy. Madalas na tinitingnan ay ang oxygen saturation sa tulong ng pulse oximeter na ikinakabit sa daliri ng isang pasyente. Ngunit ang tanong sa atin ngayon ay wala naman syang ganoong sintomas, kung hindi siya ay nagtatae, medyo nahihilo at naduduwal. Bakit pinapagawan sya ng RT PCR swab at habang wala pang resulta ay sinasabing suspect for Covid19?

Maraming posibleng dahilan ang diarrhea o pagtatae at may mga ilang klase ito. Maaaring malaman sa pamamagitan ng eksaminasyon ng dumi o fecalysis. Ilang halimbawa ng dahilan ay ang nakakain ng pagkaing hindi sumangayon ang tyan, mga allergies, mga gamot, radiation at chemotherapy, mga may malabsorption na kundisyon, impeksyon ng parasitiko, bakteria, at maaaring galing sa ibang organismo, kasama na ang COVID -19. Kaya’t dahil sa pandemya, kung mayroong sintomas na ganito, may kasama mang kumplikasyon sa baga at paghinga o wala, ibinibilang itong suspect for COVID-19. Ang RT PCR test ang makakapag deklara kung ang isang may diarrhea ay positibo ba talaga o hindi sa virus. Magbabago kasi ang turing depende sa resulta kaya mahalagang malaman ito. Kung COVID-19 ang dahilan, kailangan protektado ang pasyente pati lahat ng magaalaga sa kaniya laban sa virus, mapagamot, pagkain, pati na sa paggamit ng mga PPE. Kung negatibo naman, ang posibilidad ng mga kumplikasyon ay mas mababa at mas bumababa din ang lebel ng paggamit ng PPE.

Ang mga klase naman ng diarrhea ay ang sumusunod – acute, persistent, at chronic. Nagkakaiba sa haba ng sintomas. Ang acute ay tumatagal ng isa o dalawang araw, ang persistent ay tumatagal ng dalawang linggo hanggang isang buwan. Ang chronic naman ay mahigit sa isang buwan at maaaring tuloy tuloy. Ang importante sa paggamot nito, unang una, ay ang pagpalit ng tubig sa katawan. Hydration ang tawag dito. Maaaring uminom ng ORESOL o oral rehydration solution. Kung kaya ma estimate kung gaano karami ang idinudumi, ganoon din dapat kadami ang ipinapalit at iniinom. Ang prinsipyong ito ay volume per volume replacement. Nabibili naman ito sa botika, mapa powder na nasa sachet o tableta na ihinahalo sa tubig. Maaari ding gumawa ng home made sa pamamagitan ng paghalo ng isang kutsaritang asin, at apat na kutsaritang asukal sa isang litro ng tubig (mas mainam kung napakuluan ito). Hindi kinakailangan ubusin agad lahat. Sapat na ag maubos ito sa isang maghapon. Kung sobra ang panghihina, maaaring kailanganin ng isuwero ang fluids kaya madalas pinapaadmit na sa ospital para mabantayan.

SM food to go Banner Ad

Huwag agad magalit kung masabihang may posibilidad na may COVID-19. Pinakamainam, siguraduhin kung positibo nga o hindi, para maagapan agad at masolusyunan ang karamdaman. Huwag agad agad husgahan ang sarili at lalong huwag matakot magpatingin.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.