Una sa Balita

Diaper lang ang katapat ng MRT

0 279

Nakakatawang-nakakainis ang nangyaring aberya sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 na napilitang itigil ang operasyon ng mga tren dahil sa isang diaper na sumabit sa cable wire nito.

Sabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar Chavez, nasa 500,000 mga pasahero ang naapektuhan ng biglaang pagtigil ng operasyon ng MRT-3.

Sa isang piraso ng diaper, libo-libong tao ang nahuli sa pagpasok sa kanilang opisina, paaralan at pagawaan o pabrika.

Ang iba marahil baka mayroon pang appointment para sa inaaplayang trabaho o interbyu. Ang iba papunta sa ospital at magbabantay ng may sakit na mahal sa buhay.

Marahil kung maririnig natin ang kuwento ng bawat pasaherong nakaranas ng aberya sa MRT-3 kahapon ay malalaman natin kung gaano kalawak ang epektong idinulot nito sa isang araw ng kanilang buhay.

Rush hour pa man din nangyari at araw pa ng Lunes kung kailan dagsa ang mga pasaherong nagmamadaling makarating sa kanilang mga paroroonan kung kaya sumakay sa MRT-3 dahil alam nilang matrapik kung sasakay ng bus, jeep o FX.

Kung sa diaper ay malaking problema na ang nangyari, hindi na rin kataka-taka ngayon kung bakit araw-araw tumitirik ang mga tren ng MRT-3 dahil sa problemang teknikal na siyang palaging idinadahilan ng pamunuan nito.

Hanggang kailan tayo magtitiis sa MRT-3? Hanggang kailan ang kalbaryo ng ng libo-libong pasahero nito na nagbabayad subalit hindi naman natutumbasan ng magandang serbisyo?