Una sa Balita

Diabetes (3)

By
0 27

Ano ang diabetes at mga sintomas nito? May iba’t ibang uri ba ang sakit na ito? Paano ginagamot ang diabetes? Makakatulong ba ang food supplement na Bittergo na may ampalaya, banaba, luyang dilaw at bawang extract? – Pamela ng Pasay City.

***

Hindi maiwasan na kumain ng marami lalo na sa kapaskuhan kung saan sunud-sunod ang mga party at iba’t ibang pagtitipon. Pero masama ang maaring maging epekto nito lalo na kapag mahilig ka sa matatamis na pagkain na pangkaraniwan sa handaan. Isa sa mga sakit na pwedeng makuha ay diabetes.

Ang diabetes mellitus ay grupo ng mga sakit na nagbabago ng paraan kung paano ginagamit ng katawan ang glucose o blood sugar. Ang glucose ay galing sa pagkain at sa atay.

Pinapalakas nito ang katawan lalo na ang mga kalamnan at tissues. Ito rin ang nagpapatakbo sa utak.

Pumapasok ang glucose sa cells sa tulong ng insulin. Ang insulin ay isang hormone na ginagawa sa pancreas na makikita sa ilalim at likod ng tiyan.

Pinapababa nito ang glucose o blood sugar. Kapag bumaba na ang blood sugar, konting insulin na lang ang ginagawa ng pancreas. Subalit kapag marami o sobra ang glucose, diabetes ang katapat nito.

May dalawang uri ng diabetes: Type 1 at type 2 diabetes. Meron ding tinatawag na prediabetes kung saan mataas ang blood sugar pero hindi pa kasing taas ng tunay na diabetes. Samantala ang mga buntis ay maaring tamaan ng gestational diabetes na pwedeng mawala kapag nanganak.

Maaring lumitaw ang type 1 diabetes sa kahit anong edad pero madalas ito sa mga bata o sa mga nagbibinata o nagdadalaga. Mas pangkaraniwan ang type 2 diabetes na madalas makita sa may edad ng 40 pataas.

Ang sintomas ng diabetes ay nagbabago depende kung gaano kataas ang blood sugar ng pasyente. Maaring walang sintomas sa simula ang taong may prediabetes o type 2 diabetes. Sa type 1 diabetes, mabilis ang paglabas ng sintomas at mas matindi ito.

Ang taong may diabetes ay madalas mauhaw, madalas umihi, laging gutom at pumapayat. Nakakaranas din ang pasyente ng pagkapagod, nagiging irritable, malabo ang paningin at mabagal gumaling ang sugat. Pangkaraniwan sa pasyente ang impeksiyon sa gilagid, balat at vagina.

Saan galing ang diabetes? Hindi alam ang tunay na dahilan ng type 1 diabetes. Ayon sa mga mananaliksik, sinisira ng immune system ng katawan ang insulin-producing cells ng pancreas. Dahil konti na lang ang insulin, dumadami ang blood sugar.

Sa prediabetes at type 2 diabetes, nilalabanan ng cells ang epekto ng insulin at hindi makagawa ng sapat na insulin ang pancreas. Sa gestational diabetes, ang mga hormones na gawa na placenta sa pagbubuntis ang dahilan kung bakit hindi makapasok sa cells ang insulin. (Bukas: Sino ang maaring magkaroon ng diabetes? Ano ang mga komplikasyon nito?)

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com, mag-text sa 09359720691 o mag-iwan ng message at i-like ang kanyang Facebook page Health Frontiers Online. Sasagutin niya ang mga tanong niyo dito. Si George ay beteranong health columnist at author ng 3 health books.