Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DFA tameme sa kasong pangmamanyak ni ‘Mr. Do’

0 353

Sa hinaba-haba ng prusisyon ay natanggap na din ni “Mr. Do” ang kopya ng reklamong sexual harassment na isinampa sa kanya ng isang Foreign Service Officer (FSO) na dati umanong naka-assign sa konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles.

Marami lang ang nagtataka sa loob ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung ano ang ginagawa ng dati’y nuknukan ng dada at intrigero sa Twitter na si Secretary Teodoro Locsin Jr. at ang kanyang ‘travelling buddy’ na si Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Brigido Dulay kung bakit tila mabagal ang usad ng reklamo na inihain ng pobreng FSO.

Ayon sa isang junior officer ng DFA na ayaw magpabanggit ng pangalan, tanging itong si Locsin at Dulay lamang ang puedeng magpabilis ng proseso ng pagdinig kung talagang gugustuhin.

Nakita natin yan sa kaso ni dating Ambassador Marichu Mauro na inimbestigahan at hinatulan ng kagawaran ilang linggo matapos ito maiskandalo sa kumalat na CCTV kung saan sinasaktan umano nito ang kanyang kasambahay sa Brasilia.

At dahil dalawang buwan na lang ang natitira sa termino ni Locsin at lahat ng kapwa niya political appointees sa DFA, pinangangambahan na maaring upuan na lamang ng mga ito ang kaso laban kay Mr. Do at magsilayas na wari mo ay walang bahid ng katarantaduhan ang mga pangalan.

Tanong ng mga marites sa loob ng DFA: Paano nga naman kung si Mr. Do ay isa sa mga political appointees na nakatakda nang mag-alsa balutan sa darating na Hunyo 30? Mahahabol pa ba siya?

Malakas ang ugong na pinag-aaralan na ng kampo ng nagreklamong FSO na sampahan ng kasong kriminal ang malibog na DFA official. Sakaling ito ay matuloy, may kalalagyan itong si Mr. Do at napipintong sumikip na ang mundo nito.

Bakit? Dahil ayon sa mga nakasipat ng reklamo, masyadong detalyado at kasuklam-suklam ang umano’y ginawang pangmamamanyak nitong si Mr. Do na naganap habang ito ay bumibista sa Los Angeles noong Disyembre upang dumalo sa isang pagtitipon na may kinalaman sa pagpapabilis ng pagre-renew ng pasaporte.

Kailan lang natin nabatid na ito palang si Mr. Do ay may pattern na sa kanyang kamanyakan sa loob ng kagawaran. Ayon sa isa sa mga sources natin, yung mga babae na di kursunada ni Mr. Do ay hirap na hirap umano madestino sa ibayong dagat, “kahit pa iyong paulit-ulit na may assignment order

Opo, kursunadahan lang umano ang isa sa nagiging kriterya nitong si Mr. Do. Kailangan siguro ay may itsura at nakahandang pumasok sa kanyang bitag. Sayang ang pinag-aralan at pagsusunog ng kilay ng mga FSO kung ang pag-usad ng kanilang karera ay nakabase sa kamanyakan nitong DFA official.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang isang junior officer sa umano’y pangungunsinti ng ilang superior officers nila sa ginagawang kabulastugan ni Mr. Do.

“Nanghihinayang ako sa tindig ng mga older career personnel. Kulang sa malasakit. Naging sunod-sunuran sa mga political appointees,’” ani junior officer.

Sa kasaysayan ng DFA, iiwanan ng mga namumuno ngayon ang kagawaran na bankarote, magulong proseso sa online scheduling ng pasaporte, at kuwestiyonableng integridad ng ilan sa mga itinalaga ni Pangulong Duterte.

Habang sinusulat natin ang kolum na ito ay tuloy pa rin sa paggagarantsa itong si Locsin at ang entourage nito imbes na bigyang pansin ang hayagang imoralidad at mababang morale na umiiral sa loob ng kagawaran.

“Inaantay na lamang namin magwakas ang admin na ito – harinawa ay magkaroon na ng pagbabago,” ayon sa isang mensahe na ipinadala sa atin ng isang pinuno ng isang dibisyon sa DFA.

Leave A Reply

Your email address will not be published.