Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DFA fund nasimot ng APO printing! Mga OFW gagatasan sa passport

0 46

Panibagong parusa na naman ang kakaharapin ng mga overseas Filipino worker (OFW) matapos magpataw ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng karagdagang US$5 (P250) kada renewal ng pasaporte sa iba’t ibang konsulado at embahada ng Pilipinas sa buong mundo.

Ito ang nilalaman ng Department Order No. 2021-016 o “Consolidated Schedule of Fees for Passport Services” na naglalayong magpataw ng $5 sa bawat passport renewal bilang ambag sa unti-unti nang nasimot na Passport Revolving Fund (PRF).

Ginamit na dahilan ng DFA sa paniningil ng karagdagang bayad ang isang probisyon sa Republic Act 8239 (Philippine Passport Act of 1996) na nagpapahintulot sa kanila na mangolekta ng “reasonable fees” mula sa paglimbag ng pasaporte kada tatlong taon.

Matatandaang nakaraang Enero ay ibinuking ni DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. na ang dati’y milyon-milyong PRF ay “naglaho” na parang bula dahil nagamit umano ang pondo para sa “travel allowances, insurance and miscellany” ng ilang mga opisyales at kawani ng kagawaran na nagsamantalang magbiyahe maging sa kalagitnaan ng rumaragasang pandemya noong 2020.

Ayon sa R.A. 8239, ang PRF ay maari lamang gamitin ng DFA para sa “pagpapabuti ng serbisyo ng pasaporte at konsulado” maliban aniya sa gastusin ng pagbibiyahe o kaya ay allowance sa transportasyon.

Bukod pa sa paggamit ng PRF sa pagbibiyahe, ginamit din umano ng DFA ang pondo bilang pambayad sa utang nito sa APO Printing, ang tanggapan na nakakuha ng bilyong kontrata sa paglimbag ng Philippine passport.

Isang dating mataas na opisyal ng DFA ang napakamot na lamang ng ulo nang mabalitaan nito ang bagong pahirap na dagdag singilin para sa mga OFW.

“‘Di sana masasaid ang pondo ng PRF kundi ito pinambayad sa milyong halaga ng passport booklets mula sa APO na dati naman ay kinukuha mula sa general gund,” ani dating opisyal.

Isa pang iniiyak ng maraming OFWs ang inilunsad ng DFA noong May 2021 na Passport Renewal Center (PARC) sa ilang mga bansa kung saan may mala¬king konsentrasyon ng mga Pilipino.

Ang mga PARC ay pinatatakbo ng outsourcing companies gaya ng VFS at BLS International na naniningil ng “convenience fee” na tinatayang aabot sa US$40 kada passport renewal na dumadaan sa kanila.

Ito ay bukod pa sa regular na bayad sa passport na umaabot mula P2,800 hanggang P3,500, depende sa lokasyon ng Pilipinong aplikante. (Roy Mabasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.