Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DFA exec manyakan amoy `whitewash’

0 236

Kumalat na parang naglalagablab na apoy sa halos lahat ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa buong mundo ang balitang paghahain ng reklamong sexual harassment ng isang batang Foreign Service Officer (FSO) laban sa isang mataas na opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Habang kasalukuyang dinidinig ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) ng kagawaran ang reklamo, isang DFA source ang nagsabi sa Abante na masama ang loob na naghain ng resignation ang batang FSO dahil sa umano’y mapait na karanasan na sinapit nito sa kamay ng mataas na opisyal.

Kasabay nito, itinalaga ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. si Undersecretary Sara Lou Arriola upang pamunuan ang imbestigasyon na isinasagawa ng CODI.

Ang CODI ay binuo bilang mekanismo sa pagsisiyasat sa mga kasong may kinalaman sa misconduct gaya ng sexual harassment na kinasasangkutan ng mga kawani at opisyales ng DFA.

Kinuwestiyon ng ilang mapagkakatiwalaang source sa loob ng DFA ang pagkakatalaga ni Locsin kay Arriola, isang political appointee na ang termino ay magwawakas kasabay ng pagbaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto sa Hunyo 30.

“Dahil kapwa political appointee, malakas ang pangamba sa hanay ng mga taga-DFA na ma-whitewash ang inihaing reklamo,” sabi ng isang senior diplomat.

Ang insidente ng umano’y sexual harassment ay nangyari noong nakaraang Disyembre nang bumisita ang opisyal ng DFA sa North America kung saan nakatalaga ang batang FSO.

Simula nang maghain ng kaso ang FSO, hindi pa naglalabas ng pahayag ang departamento at maging ang dati-rati’y maingay sa Twitter na si Locsin. (Roy Mabasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.