Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 445

Ika-8 na labas

Natulala si Diwata sa rebelasyong hindi niya inaasahan kay Mark.

“S-sino ang babaeng ‘yon, at bakit siya nawala sa buhay mo?”

Humugot nang malalim na buntong hininga ang lalaki bago sumagot.

“Siya si Jennifer… naging malapit kami sa isa’t isa…ang lalim ng naging pagtingin ko sa kanya, masyadong malakas para paglabanan…akala ko nga siya na… pero isang araw, nalaman ko na lang na hindi lang pala ako ang gusto niya…may iba siyang mahal…”

Nakaramdam ng lungkot si Diwata sa natuklasan. Nagpatuloy si Mark sa pagkukuwento.

“Naging desperado ako at naisip kong saktan ang sarili ko… sinubukan ko pang magpakamatay… pero hindi ko rin nagawa… kaya ang ginawa ko na lang, lumayo ako, nagpakalayo-layo ako… kaya heto ako ngayon, nag-iisa.”

“Mark, hindi ka na nag-iisa… kahit bilang kaibigan, nandito ako… nandito lang ako…”

Hinawakan ni Diwata ang kamay ng lalaki. Nagtama ang kanilang paningin at nagpalitan sila ng mga ngiting sila lang ang nakakaalam ng kahulugan.

Sinimulan ni Diwata na basahin ang libro. Habang binabasa niya iyon ay tila gusto niyang maiyak. Naiisip kasi niya ang malungkot na kuwento ni Mark sa likod ng pagkahilig nito sa mga libro.

Napansin ni Mark ang pangingilid ng luha ng babae habang nakatitig ito sa binabasang libro, pero hindi na siya nag-usisa kung para saan ang mga luhang yon. Maya-maya pa ay nakita niya itong nakatulugan na ang pagbabasa. Nakapikit at nakasandal ito sa puno habang malapit nang mabitawan ang libro. Maingat iyong kinuha ni Mark at inayos ang pagkakasandal ng ulo ni Diwata sa puno.

Paano nga ba iiwasan nina Mark at Diwata na mahulog sila sa isa’t isa kung sa bawat oras ay magkasama sila.

“Mark, wala ng tubig!” sigaw ni Diwata na nasa loob ng banyo.

“Oo nga pala, hindi nga pala ako nakapag-igib sa poso kahapon.”

Mabilis na kumilos ang binata para mag-igib sa may kalayuan ding poso. Ilang beses siyang nagpabalik-balik para mapuno ang malaki nilang drum.

Nang makaligo na si Diwata ay nakita niyang tila pagod na pagod na nakasandal si Mark sa sofa at nakapikit. Dumiretso siya ng kuwarto at nang makapagbihis ay walang sabi-sabing minasahe niya ang ulo nito.

“Diwata…” nanatiling nakapikit si Mark.

Pati ang likod ni Mark ay minasahe na rin ni Diwata at habang ginagawa niya iyon ay nakatitig lang siya sa binata.

Sa isip niya, kung mabubuo ang pag-ibig sa pagitan nila ni Mark, hindi bale nang hindi niya maalala ang nakaraan niya. Mas gugustuhin na niyang mamuhay kasama ito. Sa isang payapa at tahimik na lugar gaya nito.

Isang gabi. Naalimupungatan si Mark nang mabasa ang mga paa niya ng tulo ng tubig mula sa bubungan. Bumangon siya at sumilip sa bintana. Malakas ang ulan. Agad niyang kinuha ang timba at isinahod sa tumutulong tubig.

Dahil nabasa na ang sofa na hinihigaan niya ay ipinasya niyang hindi na bumalik sa pagtulog. Pumunta siya sa kusina at nagtimpla ng kape. Habang umiinom ng kape ay tumingin siya sa wall clock. Alas-10:00 pa lang pala ng gabi. Siguradong aantukin pa rin siya.

Matapos uminom ng kape ay inilatag niya ang kumot sa sahig at doon na lang ipinasyang mahiga. Ilang saglit pa ay biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto at bumungad doon si Diwata.

“Mark!” nagulat ito nang makita ang ayos ng higaan ng lalaki.

Related Posts

“Nagising ka ba sa lakas ng ulan?”

“Oo eh, tumayo ka nga diyan.”

“Bakit?”

“Tumayo ka na diyan at doon ka na lang sa kuwarto matulog.”

Saglit na nag-isip ang lalaki bago tumugon.

“Sige na, matulog ka na, okay lang ako dito.”

“Hindi ka okay, kaya bumangon ka na diyan.”

Napilitang bumangon ang lalaki dahil sa pa­ngungulit ni Diwata. Magkasunod silang pumasok sa kuwarto. Subalit sa sahig naman ng kuwarto inilatag ni Mark ang kumot na hihigaan niya.

“Mark, hindi ka diyan matutulog, dito ka na sa tabi ko.”

“Sigurado ka?”

“Oo, siguradong-sigurado ako.”

Dahil sa sinabi ni Diwata ay hindi na nagdalawang-isip pa ulit si Mark. Pinuwesto niya ang unan sa tabi ng unan ng babae.

Dahil maliit lang ang kama ay halos magkadikit na ang mga katawan nila. Ang init na gumapang sa katawan ni Mark sa pagkakadikit ng katawan niya sa babae ay sinabayan pa ng malakas na buhos ng ulan at lamig ng gabi. Kaya naman hindi siya mapakali.

Hanggang sa idinantay niya ang kamay sa beywang ni Diwata. Wala siyang narinig na pagtutol mula dito.

“Diwata…”

Nakapikit lang ang babae pero gising pa ang diwa niya. Nakikiramdam.

“Diwata…” muling tawag ni Mark.

“Uhm?” mahinang sagot tanong ng babae.

“Okay lang ba kung… mahalin kita?”

Nagmulat ng mga mata si Diwata. Napatingin siya sa mga matang kanina pa nakatitig sa kanya. Hindi siya makapagsalita. Napatitig din kasi siya sa mga mata nito. Ang mga mata ni Mark ay bu­maba hanggang sa labi niya, ilang saglit na tinitigan iyon bago inilapat ang labi sa mga labi niya.Masuyo. Marahan.

Nag-aanyaya ng isang bagong pag-ibig. Bukas pusong tinanggap ni Diwata ang mga halik na iyon. Sinuklian niya ng tamis ang bawat paglasap ni Mark sa mga labi niya.

Ang malamig na gabi ay pinag-init nang nag-aalab nilang mga puso. Mga damdamin na nais tugunan ang pangangailangan ng isa’t isa. Isang pagtugon na may kaakibat na pagmamahal.
Bawat piraso ng damit na hinuhubad ni Mark kay Diwata ay nahuhubaran din at nalalantad ang kapwa natatagong pagtingin nila sa isa’t isa.

Nag-uumapaw na galak sa damdamin ang dulot niyon. Ang magandang hubog ng katawan ng babae ay isang pagpapalang nais angkinin ni Mark ng buong puso.

Aangkinin niya ito buong gabi at gagawin niya ang lahat para maipadama rito ang kaligayahang hindi nito malilimutan kailanman. (Itutuloy)