Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-7 na labas

Paglingon niya ay nakita niyang ilang hakbang na lang ang pagitan nila sa kanya at…
“EEEEEEEEEE!”

Napabalikwas siya ng bangon. Nasa harapan niya si Mark.

“Diwata, narinig kitang sumigaw, nanaginip ka?”

Hindi agad makasagot si Diwata. Tila hinihingal pa siya at pagod na pagod ang pakiramdam niya. Pinunasan ni Mark ng hawak na bimpo ang butil-butil na pawis sa noo ng babae.

“Ikukuha kita ng tubig.”

Pagbalik ni Mark sa silid ay dala na nito ang isang basong tubig.

“Ano, okay ka na ba?”

Tumango ang babae.

“Ano bang napanaginipan mo?”

“M-may mga humahabol sa’kin…”

“Kilala mo?”

“Hindi… hindi ko makita ang mga mukha nila…”

“Sige, babalik na’ko sa higaan ko.”

Muling tumango ang babae.Tinawag pa niya ang lalaki bago ito tuluyang lumabas ng kuwarto.

“Mark…”

“Bakit?”

“S-salamat…”

Hindi na sumagot ang lalaki at tuluyan na itong lumabas ng silid.

Kinabukasan. Naabutan ni Diwata na nag-aalmusal ng kape at pandesal si Mark.

“O, ang aga mong nagising.” Nagtataka ang lalaki.

“Inagahan ko talaga, kasi hindi na kita naaabutan sa umaga.”
“Ano naman ngayon, kailangan kong agahan ang alis eh.”

Naupo si Diwata sa upuan malapit sa binata.

“Mark, iniiwasan mo ba’ko?”

“Bakit mo naman natanong ‘yan?”

Related Posts

“Hindi mo na kasi ako sinasama sa bundok, tapos gabi ka na rin umuuwi, hindi na tayo nagkakausap.”

Natawa ang lalaki.

“Gutom lang ‘yan, eto kumain ka na oh.”

“Hindi ako nagugutom.”

Saglit na tinitigan ni Mark ang babae bago muling nagsalita.

“Teka, kailangan ko ba talagang magpaliwanag sa’yo?”

“Hindi.” Pagkasabi niyon ay tumayo ito at akmang tatalikod na nang muling magsalita si Mark.

“Diwata, hindi naman kita iniiwasan eh, nakikita ko kasi na nahihirapan ka at masyado kang napapagod kapag nangangahoy tayo, saka kung ginagabi man ako ng uwi, iyon ay dahil marami talaga akong ginagawa… hindi dahil sa gusto kitang iwasan.”

Hindi kumbinsido ang babae sa sagot ng lalaki. Muli siyang humarap dito.

“Kung gano’n, isama mo ulit ako, hindi naman ako nahihirapan eh… mas mahirap mag-isa dito sa bahay sa buong maghapon. Kinakain ako ng lungkot.”

Ilang saglit ang pinalipas ni Mark bago sumagot.

“Okay… sige, ikaw ang bahala…”

Walang nagawa si Mark kundi isamang muli si Diwata sa pag-akyat sa bundok. Sa kanilang pamamahinga sa ilalim ng malaking punongkahoy ay inilabas ni Mark ang isang libro mula sa dalang bag at iniabot iyon kay Diwata.

“Ano ‘to?”

“Libro, basahin mo para hindi ka mainip.”

Binuklat-buklat ni Diwata ang libro.

“Hmm, mukhang suspense ito ah?”

“Oo, meron din akong horror, romance, comedy books.”

“Ano?” gulat na gulat ang babae.

“Mahilig akong magbasa ng libro. “

“Bakit hindi kita nakikitang nagbabasa ng libro?”

“Hindi mo lang ako natitiyempuhan. Saka medyo matagal na rin mula nang huli akong magbasa, kailangan kasi na doblehin ko ang kayod ko para sa’yo.”

“Teka, ibig sabihin nahihirapan ka na sa’kin?”

“Wag mo ngang ibahin ang usapan, libro lang ang pinag-uusapan natin.”

“Okay, libro…kelan ka pa nagkahilig sa pagbabasa nito, mula ba noong bata ka pa?”
Umiling si Mark.

“Noong kabataan ko, wala akong ibang inisip kundi babae, sex, bisyo…pero nang dumating sa buhay ko ang isang babae…sa point ng buhay ko na down ako…sinabi niya sa akin na magbasa ako ng mga libro at siguradong magugustuhan ko, at mag-iiba ang pananaw ko sa buhay…tinanggap ko ang hamon niya kahit alam ko na duda siyang magagawa ko ‘yon…pero nagawa ko…nagbasa ako nang nagbasa hanggang sa hindi ko na makilala ang sarili ko…hindi ko namalayan na marami na palang nagbago sa buhay ko…kasama siya sa pagbabagong ‘yon…nawala siya sa buhay ko…” (Itutuloy)