Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-6 na labas

“O-oo, okay lang ako.” Pagkasabi niyon ay tumalikod ang babae at bumalik sa kuwarto.

Abante Hiring – IT dep

Nahiga siya sa higaan at tumingala sa kisame.

“Bakit parang nakarinig ako ng tawa ng isang bata?…m-may anak ba ako?…may pamilya ba ako?”

Naguguluhang muling ipinikit ng babae ang kanyang mga mata.

Habang kumakain sila ng hapunan ay pilit inaalala ni Diwata ang naglaro sa isipan niya kanina pero wala na siyang maalala.

“Ano Diwata, nagustuhan mo ba ang luto ko?”

“Oo, ang sarap.”

“Alam mo hindi lang ‘yan ang paborito kong lutuin, gusto ko rin ang pasta at pizza.”

“Gusto ko rin ang mga ‘yon!”

“Hayaan mo, kapag maganda ang kinita ko next week, ibibili kita ng pizza o kaya ipagluluto kita ng pasta!”

“Parehong maganda ang idea mo, pero mas type ko yung huli.” Nakangiting sagot ni Diwata.

Ngiti lang din ang itinugon ng binata.

Gabi. Nilapitan ni Diwata si Mark sa terrace habang nagpapahinga ito.

“Mark…”

“May kailangan ka?”

“Wala. May naisip lang ako…ano kaya kung kunan mo ako ng litrato tapos ipa-print mo, tapos magdi-disguise ako at ipagtatanong ko kung may nakakakilala sa babaeng nasa picture?”

“Bakit hindi na lang ako ang magtanong dala ang picture mo?”

“Mahirap na, baka sumabit ka, iba talaga kasi ang kutob ko eh, pakiramdam ko may hindi magandang pangyayari sa likod nang pagkakatagpo mo sa ‘kin sa kakahuyan…”

“Kadalasan daw tama ang kutob, pero delikado rin ang iniisip mo kung tama ang kutob mo.”

“Hindi, kaya ko naman proteksyunan ang sarili ko kung sakali.”

Tumingin si Mark sa malayo. Sa gitna ng dilim.

“Wala akong cellphone pero may camera ako diyan, ipa-paprint ko na lang. Pero…”

“Pero ano?”

“Pero sasamahan kita, hindi pwedeng mag-isa ka lang.”

“Sige payag ako, pero dumistansya ka sa akin kapag nagtatanong na ako.”

Related Posts

Tiningnan ni Mark si Diwata sa mga mata nito.

“Sigurado ka ba sa naisip mo?”

“Oo Mark, kapag hindi nag-work ito, mag-iisip na lang ulit ako ng bago…teka may nakita akong computer sa kuwarto mo, gumagana ba ‘yon?”

Umiling ang binata.

“May diprensya na ‘yon saka wala akong social media account na sinasabi nila tulad ng facebook. Kuntento na ako sa buhay ko rito.”

“Okay. Sige matutulog na ‘ko, bukas na lang ulit natin pag-usapan ito.”

Hindi na sumagot ang binata.

Lumingon si Diwata bago tuluyang humakbang papasok sa loob.

“Goodnight Mark.”

“Goodnight Diwata.” Tugon ng lalaki na hindi man lang lumingon.

Nag-aalala kasi si Mark na baka mahulog ang loob niya sa babae. Ayaw niyang mangyari ‘yon dahil baka isang araw ay iwan lang siya nito. Baka may nobyo na pala ito o asawa o anak. Baka masaktan siya nang husto kapag sa huli ay nalaman niyang hindi niya ito maaring angkinin.

Sa mga sandaling iyon ay ganoon din ang naiisip ni Diwata habang nakahiga. Sana ‘wag mahulog ang loob niya sa lalaki. Natatakot kasi siya na hindi magkaroon ng kaganapan ang damdamin niya kapag bumalik na ang alaala niya. Baka may nagmamay-ari na sa puso niya.

O baka wala naman palang katugon mula sa binata ang damdamin niya kahit malaya siya.

Lumipas pa ang mga araw. Nagawa na nina Mark at Diawata ang plano nilang pagtatanong-tanong dala ang picture ni Diwata. Pero wala isa man ang nakakakilala sa babae. Nakarating pa sila sa kabilang bayan.

“Diwata, siguro magpahinga na muna tayo, mag-isip ulit tayo ng ibang paraan,” ani Mark habang pauwi sila.

“Siguro nga tama ka. Baka hindi pa ito ang panahon para matagpuan ko ang sarili ko.”

Nagulat si Diwata nang hawakan ni Mark ang kamay niya.

“Wag kang mag-alala, nandito ako palagi sa tabi mo.”

Hindi binawi ni Diwata ang kamay niya. Hinayaan niya itong hawakan ni Mark sa kanilang paglalakad sa kakahuyan.

“Salamat Mark.”

Sa bawat araw na lumilipas ay lalong napapalapit sa isa’t isa sina Mark at Diwata. Madalas isama ni Mark ang babae sa pangangahoy sa itaas ng bundok. Dahil doon ay unti-unti nilang nakilala ang ugali ng isa’t isa. Unti-unti ay nasasanay na si Diwata sa pabago-bagong mood ni Mark. Minsan ay mabait, minsan naman ay masungit. Ganoon din si Mark, nasasanay na siya sa mood swing ni Diwata. Minsan ay ubod ng lambing nito, minsan naman ay sobrang tahimik na halos ayaw siyang kausapin.

Dahil nararamdaman na ni Mark na nahuhulog na siya kay Diwata kaya sinubukan niya itong iwasan.

“Bakit gano’n, ang aga-aga niya lagi umaalis nitong mga huling araw, tapos gabi na siya dumarating, hindi na rin niya ako sinasama para mangahoy?” tanong ni Diwata sa sarili habang nagwawalis ng mga dahon sa loob ng bakuran.

Tumanaw ang babae sa malayo.

“Iniiwasan kaya niya ako?…pero bakit naman niya gagawin yon, hindi naman kami nag-away?”

Walang maisip na sagot si Diwata sa mga katanungan niya kaya inabala na lang niya ang sarili sa paglilinis ng bakuran at ng buong kabahayan habang wala si Mark.

Gabi. Isang panaginip ang bumagabag kay Diwata. Tumatakbo siya. Mabilis. May humahabol sa kanya na hindi niya nakikita. Hingal na hingal siya sa pagtakbo. Pagod na pagod pero hindi siya pwedeng huminto kundi’y maaabutan siya ng mga humahabol sa kanya. Kahit tila ayaw nang humakbang ng mga paa niya ay pilit pa rin niya itong pinapatakbo.

Takot na takot siya dahil pakiramdam niya ay malapit na sila sa kanya. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong pero walang boses na lumalabas sa bibig niya. Kaya naman wala siyang magawa kundi ipagpatuloy ang pagtakbo hanggang sa ma­patid ang paa niya sa nakausling bato na nadaanan niya. Dahilan ito para mawalan siya ng balanse at matumba. (Itutuloy)